Nangholdap, bumaril sa pares vendor dakip

NAARESTO ang lalaking nangholdap at bumaril sa isang vendor ng pares-mami, nang magsagawa ng operasyon ang pulisya sa Port Area, Manila, Miyerkules ng gabi.

Nadakip ang suspek na si Alexander Ogdamina, 36, sa Block 1, Gasangan, Baseco Compound, dakong alas-7:20, ayon sa ulat ng Manila Police District Station 5.

Nakuhaan siya ng isang kalibre-.357 magnum revolver at limang bala.

Si Ogdamina ang itinuturong nangholdap at bumaril sa vendor n si Samson Bautista, doon din sa Baseco Compound, noong Martes ng madaling-araw.

Kritikal pa rin ang lagay ni Bautista, na tinamaan ng bala sa leeg.

Sa panayam ng media matapos madakip, nagbabala pa si Ogdamina sa mga mabibiktima ng holdup na ibigay na lang ang kanilang gamit dahil seryoso umano ang mga gaya niya.

Sasampahan ang suspek ng robbery with frustrated murder at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, ayon sa pulisya.

Read more...