Updated: Suspendidong BuCor exec tinumba

NASAWI ang isang suspendidong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) nang tambangan ng mga di pa kilalang salarin sa Muntinlupa City, Miyerkules ng hapon.

Ikinasawi ni Atty. Fredric Anthony Santos, dating pinuno ng BuCor legal service, ang mga tama ng bala sa ulo, ayon sa ulat ng city police.

Naganap ang insidente sa tapat ng Southernside Montessori School sa Katihan st., Brgy. Poblacion, dakong ala-1:50.

Sakay si Santos ng Toyota Hilux pick-up at susunduin sana ang kanyang anak sa paaralan nang siya’y barilin, ayon sa ulat.

Dalawang lalaki ang lumapit sa pick-up at bigla siyang pinagbabaril, bago tumakas, ayon sa pulisya.

Idineklarang patay ng mga tauhan ng Muntinlupa Rescue Team si Santos.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga salarin habang isinusulat ang istoryang ito.

Naganap ang insidente limang buwan lamang matapos pumutok ang kontrobersiya sa pagpapatupad ng BuCor sa Good Conduct Time Allowance Law (GCTA).

Isa si Santos sa mga nagsalita para sa ahensiya sa mga panayam at Senate hearing sa kontrobersya, na naungkat matapos ang naunsiyaming pagpapalaya kay Antonio Sanchez, isang dating mayor ng Calauan, Laguna, na na-convict para sa murder at rape.

Matatandaan na sa isa sa mga hearing, sinabi pa ni Sen. Panfilo Lacson na nakatanggap siya ng impormasyon na dating sumasama si Santos sa drug sessions ng ilang high-profile inmate.

Itinanggi n Santos na gumamit siya ng iligal na droga.

Noong Setyembre 2019, sinuspende ng Ombudsman si Santos at ilan pang opisyal ng BuCor dahil sa umano’y maanomalyang pagpapatupad sa GCTA Law.

Nakatakda sanang matapos ang suspensiyon sa Marso 12, pero di pa tiyak kung babalik sa ahensiya si Santos, sabi ni BuCor spokesman Col. Gabriel Chaclag sa isang panayam sa radyo.

Naglunsad na rin ang BuCor ng imbestigasyon sa pagpatay kay Santos, aniya. (John Roson)

Read more...