BuCor exec itinumba

NASAWI ang opisyal ng Bureau of Corrections na tinambangan ng mga di pa kilalang salarin sa Muntinlupa City Miyerkules ng hapon.

Ikinasawi ni Atty. Fredric Anthony Santos, pinuno ng BuCor legal service, ang mga tama ng bala sa ulo, ayon sa ulat ng city police.

Naganap ang insidente sa tapat ng Southernside Montessori School sa Katihan st., Brgy. Poblacion ala-1:50.

Sakay si Santos ng Toyota Hilux pick-up at susunduin sana ang kanyang anak sa paaralan nang siya ay barilin, ayon sa ulat.

Dalawang lalaki ang lumapit sa pick-up at malapitan siyang binaril, bago tumakas, ayon sa pulisya.

Idineklarang patay ng mga tauhan ng Muntinlupa Rescue Team si Santos.

Naganap ang insidente limang buwan lamang matapos pumutok ang kontrobersiya sa pagpapatupad ng BuCor sa Good Conduct Time Allowance Law.

Isa si Santos sa mga nagsalita para sa ahensiya sa mga panayam at Senate hearing sa kontrobersya, na naungkat matapos ang naunsiyaming pagpapalaya kay Antonio Sanchez, isang dating mayor ng Calauan, Laguna, na na-convict para sa murder at rape.

Matatandaan na sa isa sa mga hearing, sinabi pa ni Sen. Panfilo Lacson na nakatanggap siya ng impormasyon na dating sumasama si Santos sa drug sessions ng ilang high-profile inmate.

Itinanggi n Santos na gumamit siya ng iligal na droga.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng mga nasa likod ng pagpatay kay Santos.

Read more...