INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magpapabigat sa parusa sa kasong child abuse at diskriminasyon.
Sa botong 228-0 at walang abstention, inaprubahan ang House bill 137.
Ayon kay Tingog Sinirangan Rep. Yedda Romualdez, chairman ng House committee on welfare of children, limang panukala ang pinagsama-sama upang pagandahin ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act na naisabatas noong 1992.
Sinabi ni House Deputy Speaker Mikee Romero, isa sa may-akda ng panukala, kailangan ng amyendahan ang batas upang maging angkop ito sa panahon.
Mula sa 12 taong pagkakakulong sa krimen na obscene publications at indecent shows ang parusa ay magiging mahigit 12 taon pero hindi lalagpas sa 20 taong pagkakakulong.
Kung ang biktima ay wala pang 12 taon, ang parusa ay habambuhay na pagkakakulong.
Kung ang gumawa ng krimen ay magulang o guardian ang parusa ay hindi bababa sa 16 taong pagkakakulong.