TATLONG kasapi ng New People’s Army ang napatay at tatlo pa ang sumuko nang makasagupa ang mga tropa ng pamahalaan sa Ilagan City, Isabela, nitong Linggo.
Dalawa sa mga napatay ay nakilala sa mga alyas na “Bobby” at “Princes,” isang squad leader at isang team leader/medical officer sa ilalim ng Central Front ng Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (KR-CV), sabi ni Maj. Noriel Tayaban, tagapagsalita ng Army 5th Infantry Division.
Sa mga sumuko, dalawa ay nakilala sa mga alyas na “Lesli” at “Alvin,” supply officer at team leader din ng grupo, ayon sa pagkakasunod.
Kasama nilang sumuko si alyas “Jimboy,” isang 16-anyos na miyembro ng katutubong agta-dumagat, ani Tayaban.
Nakasagupa ng 95th Infantry Battalion ang mga kasapi ng Central Front at Regional Sentro De Grabidad ng KR-CV, sa Brgy. Rang-ayan.
Nagsasagawa noon ng operasyon ang mga kawal dahil sa ulat na tinatakot at kinikikiln ng mga rebelde ang mga residente, ani Lt. Col. Gladiuz Calilan, commander ng 95th IB.
Bukod sa bangkay ng mga napatay na rebelde, narekober ng mga kawal ang isang M16 assault rifle, tatlong kalibre-.45 pistola, at mga bala.
Ayon kay Tayaban, ang presensya ni “Jimboy” sa hanay ng mga rebelde ay patunay na gumagamit pa rin ang NPA ng “child warriors.”
“Matagal na niyang (Jimboy) gustong tumakas dahil sa hirap na kanyang naranasan bilang utusan ng mga NPA lider,” aniya pa.
Hinikayat ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo, commander ng 5th ID, ang iba pang natitirang rebelde a rehiyon na sumuko na lamang at tanggapin ang reintegration program ng pmahalaan, dahil palalakasin pa ng militar ang operasyon laban sa kanila.