MALAKI na ang nabawas sa timbang ni former Sen. Jinggoy Estrada matapos ang ilang buwang pagda-diet.
Ayon sa actor-politician, halos 20 lbs ang nabawas sa kanya sa loob lang ng three months dahil sa Keto Diet. Talagang umiiwas siya ngayon sa matatamis at iba pang pagkain na mabilis magpataba sa kanya.
“Pero feeling ko konti pa para sa ideal weight ko. Mas ramdam ko ngayon yung gaan sa pagkilos. So, sabi ko tamang-tama yung pagbabalik ko sa pelikula,” sey ni Jinggoy na ang tinutukoy ay ang comeback movie niyang “Coming Home” opposite Sylvia Sanchez.
Marami nang nagawang movies ang dating senador, pero ang hindi niya talaga malilimutan ay ang first movie niyang “Markang Rehas” at ang “Katas ng Saudi” kung saan siya nanalong Best Actor.
Sa pagbabalik niya sa mundo ng showbiz, siguradong marami na naman ang mangnenega sa kanya kaya natanong ang aktor kung apektado pa ba siya ng panglalait mula sa mga bashers.
“Sanay na ako diyan. Wala na akong pakialam sa kanila. Basta ako nagtatrabaho lang. As long as wala akong inaapakang tao, walang problema sa akin ‘yan. If they want to continue bashing, it’s fine,” sagot ng aktor nang makachika namin sa set ng “Coming Home” na planong ilaban sa 2020 Metro Manila Summer Film Festival sa April.
Seven years napahinga ang dating senador sa pag-arte kaya aminadong nanibago talaga siya sa muling pagharap sa kamera, “Oo, medyo nangangapa uli nu’ng una dahil pitong taon akong hindi gumawa ng pelikula. Tapos halos lahat ng scene rito sa ‘Coming Home,’ 80 percent yata puro iyakan. Madrama.”
Paano niya mino-motivate ang sarili sa mga iyakan scenes, lalo na kapag kaeksena niya si Sylvia Sanchez. Natatawa niyang sagot, “Iniisip ko noong nakulong ako. Ha-hahaha. Hindi, magagaling kasi lahat ng kasama ko kaya madaling humugot sa kanila ng emosyon.”
Nakilala si Sen. Jinggoy sa paggawa ng action movie pero isang drama movie ang ginawa niya sa pagbabalik-pelikula dahil aniya, feeling niya’y wala nang maniniwala kung action ang gagawin niya. ”Siyempre nagkakaedad na tayo, pero kaya pa naman (mag-action).”
Hinding-hindi rin daw niya magagawang talikuran ang showbiz dahil, ”Alam ko kasi rito kami nagmula, rito rin nagmula ang tatay ko. Sinundan ko, rito rin ako nagsimula bago ako pumasok sa politika kaya hindi natin puwedeng talikuran ang industriya lalong-lalo na ang maliliit na manggagawa.”
After “Coming Home”, meron na agad silang pinaplanong movie ni Direk Adolf na pang-Cinemalaya kaya feeling niya tuluy-tuloy na ang pagbabalik niya sa pag-arte.
Sa tanong naman kung babalik pa siya sa politika, “Puwede naman. I’m keeping my options open.”