PATULOY pa rin ang komunikasyon ni Direk Cathy Garcia-Molina kay John Lloyd Cruz. ‘Di naman lingid sa publiko kung gaano kalapit ang box-office director kay JLC.
“E, kasi, ‘yung aso ko, kapatid nu’ng aso niya. E, nanganak ‘yung aso ko. E, ‘di tito na ‘yung aso niya,” sabay tawa ni Direk Cathy.
Okey naman daw si JLC pati ang personal life nito. Tinanong din namin si Direk kung nabanggit ba sa kanya ni John Lloyd ang kalagayan ng relasyon nila ni Ellen Adarna. May tsika kasi na hiwalay na ang dalawa.
“Ahhh… wala. Wala naman akong alam tungkol doon. Pero happy lang ako na ang pogi niya sa mga magazines ngayon. Ha-hahaha!”
Pagkatapos ng kanyang highest grossing Pinoy film of all time na “Hello, Love, Goodbye,” may dalawang pelikula pang natitira na kailangang tapusin ni Direk Cathy bago siya pumunta ng New Zealand.
Pero isa sa last two projects na gagawin niya ay tiniyak niya na pagbibidahan ni John Lloyd, “I cannot say ngayon. Mapapagalitan po ako. But sigurado ako na ‘yung dalawang huling pelikula ay sa dalawang taong malapit sa puso ko.”
Masaya rin si Direk Cathy na nagbalik na ulit si John LLoyd sa paggawa ng pelikula, “Ay, happy! It’s about time. Na-miss na natin siya, e. The big screen misses John Lloyd Cruz. I mean, John Lloyd is John Lloyd. Maranming magagaling na artista, pero iba si John Lloyd.”
May kumalat na balitang makakatambal muli ni John Lloyd ang dati niyang kapareha na si Bea Alonzo sa pelikulang gagawin ni Direk Cathy, “Sabi ba? Uhhh, basta ako, my lips are sealed. Mapapagalitan nga ako.”
Hindi na ba siya mapipigilan sa pag-alis ng bansa ng naitalang box-office record ng “Hello, Love, Goodbye” at ng paggawad sa kanya ng Camera Obscura award mula sa Film Development Council of the Philippines?
“Hayaan mo naman na ‘yung ibang direktor ang magbigay ng ganito,” ngiti niya.
Hindi naman matiyak ni Direk Cathy kung makakabalik pa siya sa pagdidirek sakaling matuloy na ang pagtira niya sa New Zealand kasama ang pamilya niya.
“Depende, kung mae-enjoy ko ang pananahimik, baka magtuluy-tuloy. Pero kung ma-miss ko naman ang industriya, I can always go back. But for now, tuloy pa rin ang plano. Hindi pa rin nagbabago.”