Ro-ro pinasabugan sa Masbate

NAGTAMO ng pinsala ang isang roll-on/roll-off (ro-ro) ferry nang pasabugan ng mga di pa kilalang salarin, sa pantalan ng San Pascual, Masbate, Martes ng umaga.

Nagtamo ng pinsala ang life ring at airconditioner ng M/V Virgen de Peñafrancia 6 dahil sa shockwave na dulot ng pagsabog, sabi ni Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Ang M/V Virgen de Peñafrancia 6 ay pag-aari ng isang Marian Reyes ng Lucena City, Quezon, at ino-operate ng Star Horse Shipping Lines Inc.

Naganap ang pagsabog sa pantalan dakong alas-3:30.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naghagis ang isang grupo ng kalalakihan ng improvised na dinamita sa tubig, at sumabog ito 25 metro lamang mula sa barko, ani Calubaquib.

Nagpakalat na ng tauhan ang San Pascual Police at Regional Mobile Force Battalion para tugisin ang mga salarin, na tumakas sakay ng bangkang de motor matapos ang insidente, aniya.

Read more...