Bumaba na ang kurtina ng seryeng The Gift. Tapos na ang kuwento ni Sep, ang inampong bata na kahit nakilala na ang kanyang tunay na ina ay hindi pumayag na iwan ang babaeng nagpala sa kanya, lutang na lutang ang leksiyon ng pagtanaw ng utang na loob sa huling serye ni Alden Richards.
Ngayon ay mga bata naman ang kanyang makakasalamuha sa kanyang bagong programang Centerstage. Kailangan niya namang pag-aralan ngayon ang mga katangian ng iba’t ibang bata na may magkakaiba ring ugali at emosyon.
Malaking hamon ito para sa Pambansang Bae, hindi ganu’n kadaling mag-host ng isang show na puro bata ang mga kalahok, may kakaibang temperamento ang mga bagets na kailangan sakyan at intindihin ng mas nakatatanda.
Walang problema dahil mahiligin sa mga bata si Alden, napakalakas ng atraksiyon sa kanya ng mga bata, isa ‘yun sa mga katangian ni Alden na tumatak sa marami.
“Malungkot ako, mami-miss ko ang mga katrabaho ko sa The Gift, kung puwede lang sanang palagi na lang kaming magkakasama.
“Pero talagang ganu’n, kahit naman sa totoong buhay, all stories have to end, kaya kailangan na naming maghiwa-hiwalay. Pero mami-miss ko talaga sila!” pahayag ng guwapo at sikat na aktor.
Nagpaalam ang kanyang serye nang nasa itaas, sinuportahan ng ating mga kababayan ang The Gift, matatagalan pa bago makalimutan ng manonood ang kuwento ni Sep.