DOLE region 9 Zambo office may magic

INAAKUSAHAN na may “hulog” o “lagay” mula sa negosyante ang ilang kawani ng Zamboanga City Field Office ng Regional Office 9 ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos na dedmahin ang mga labor cases na inihahain ng mga manggagawa laban sa kanilang abusadong employer.
Sino kaya sa kawani ng field office ng DoLE ang kadikit ng isang abusadong may ari ng mga bakery sa siyudad? Ayon kasi sa mga impormasyon na nakarating sa akin, hindi hinuhulugan ng abusadong employer ang SSS, Pag-ibig at Philhealth ng kanyang mga empleyado.
Hindi rin daw binabayaran ng may-ari ng bakeshop ang mga overtime ng kanyang mga manggagawa at mga tindera nito na halos 14 oras na nagtatrabaho sa isang araw. Mabigat din daw ang kamay nito sa mga maliliit na pagkakamali ng mga empleyado.
Tuloy-tuloy ang mga pang-aabuso diumano ng negosyante dahil makailang beses na nalusaw ang mga labor complaints ng mga manggagawa sa Zamboanga City Field Office at tila mina- magic at nawawala ang mga papeles laban sa abusadong employer.
Ayon sa mga nagrereklamo, mukhang may kakutsaba ang abusadong employer sa ilang umano’y kawani ng DoLE field office.
Ilang reklamo na kasi ang inihain ng mga complainant sa field office na ito, walang nagaganap na dialogue o conference meeting of the two parties na siyang dapat mangyari pagkatapos maghain ng labor complaint.
Attention DOLE 9 Regional Director Ofelia Domingo, mam! Paki tingnan nga ang field office mo, mukhang may magic na nagaganap right under your nose.
Dahil sa mga ganitong pagkawala ng mga reklamo, nawawala ang tiwala ng mga inaaping mga manggagawa sa ating gobyerno at due process of law.
***
May mga hinaing ba kayo, sumbong o reklamo? mangyaring mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09989558253.

Read more...