GOOD news para sa milyun-milyong KathNiel fans all over the universe.
Tuloy na tuloy na ang reunion movie nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ang “After Forever” na ididinirek ni Cathy Garcia Molina at kukunan pa sa San Francisco, California.
“We are very, very excited. Nu’ng 2019, wala kasi kaming ginawa ni DJ kahit soap or movie. Kinailangan namin pareho ‘yung break na ‘yun. Ngayon finally babalik na kami sa big screen with direk Cathy again. Ibang experience na naman ito,” ayon kay Kathryn sa panayam ng ABS-CBN.
Nauna nang ipinahayag ng dalaga na talagang pinahirapan siya ni Direk Cathy sa huling pelikula nila, ang record-breaking na “Hello, Love, Goodbye” kasama si Alden Richards.
Kaya naman ang tanong kay Daniel, handa na ba siyang pahirapan ng director? “Okay naman. Handa naman kami na pahirapan. Alam naman naming tatrabahuhin namin ito. ‘Yung tiwala naming na kay Direk Cathy naman so lahat ng maibibigay, ibibigay natin.”
Ayon naman kay Direk Cathy, siguradong magugulat na naman ang KathNiel fans sa mga gagawing eksena nina DJ at Kath sa “After Forever” dahil level-up na naman ang dalawa sa kanilang respective roles.
“Namili kami ng ibang countries pero San Francisco ‘yung nag-fit sa kuwento namin. Nagkataon si Daniel, mahal niya ‘yung San Francisco. Kami din, we found the beauty in it when we went there. Nakadalawang punta na po kami. Una with Carmi to do research and then pangalawa po, nag-ocular ako. Pagbalik namin, kasama na namin sila for shoot. Obviously love story siya,” lahad ni Direk Cathy sa nasabing interview.
Nakatakdang ipalabas ang “After Forever” sa gitnang bahagi ng 2020.