UAAP kinansela ang lahat ng sports events

IPINAGPALIBAN ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang lahat ng mga sporting events nito simula sa Pebrero 15 dahil sa banta ng novel coronavirus.

Ito ang inanunsyo ng liga Miyerkules matapos nitong sabihin noong isang araw na bubuksan nito ang UAAP volleyball tournament ngayong darating na weekend.

Napagdesisyunan ito ng liga matapos ang masinsinang deliberasyon ng UAAP board of trustees at board of managing directors nitong Martes ng hapon.

“The University Athletic Association of the Philippines upholds, in the highest regard, the well-being, health and safety of the League’s community – players, coaches, students, their families and fans in general,” sabi ng liga sa kanilang pahayag.

Ang nasabing aksyon, na pagtalima sa paalala ng Department of Health at Commissioner on Higher Education, ay nangangahulugan naman na mauurong ang inaabangang volleyball tournament sa ibang araw.

Kabilang din sa mga torneo na magbubukas ngayong buwan na makakansela ay ang men’s football (Pebrero 16), softball (Pebrero 17), seniors baseball (Pebrero 19), athletics (Pebrero 19-23) at judo (huling linggo ng Pebrero) pati na rin ang playoffs matches sa high school beach volleyball at basketball tournaments.

Ang ginaganap na fencing meet at high school boys’ football match ay tuloy naman ngayong linggo.

Sinabi pa ng liga na binabantayan nito ang novel coronavirus outbreak para malaman kung kelan nito puwedeng ituloy ang mga laro.

“We ask for your understanding and your prayers for the safety of our community, our nation and all countries affected by this outbreak,” sabi pa ng liga sa kanilang pahayag.

Read more...