PAANO ba nalalaman kung inaatake sa puso ang isang tao?
Isang senyales ay ang tinatawag na Levine’s sign kung saan nakalagay ang kamao sa tapat ng puso. Ito kasi ang universal sign ng heart attack.
Dapat mo ring malaman kung ang isang tao ay dati nang may sakit sa puso, altapresyon o diabetes dahil kung
mayroon siya nito mas malaki ang posibilidad na magkaroon ito ng atake sa puso.
Narito ang ilang first aid tips na dapat mong gawin kapag may inaatake sa puso:
1. Agad na tumawag sa doktor o ospital. Dapat din ihanda ang sasakyan para maihatid agad ang pasyente sa ospital.
2. Habang naghihintay ng ambulansiya o sasakyan, bigyan ng sapat na hangin ang pasyente. Gumamit ng pamaypay, electric fan o aircon. Kailangan ito dahil nagkukulang sa oxygen ang puso ng pasyente.
3. Paupuin ang pasyente sa kumportableng kama o silya. Dapat na mataas din ang kanyang upo at naka-45 degrees ito. Maglagay din ng maliit na unan sa ilalim ng paa para maging kumportable ang pasyente.
4. Luwagan ang damit o necktie ng pasyente para hindi maipit ang ugat sa leeg.
5. Siguruhin na nakakapag-relax ang pasyente.
6. Sabihan ang pasyente na huminga ng malalim at mabagal o ‘yung tinatawag na deep and slow breathing. Nakaka-relax kasi ito at nakakababa ng blood pressure.
7. Kung mayroon ang pasyente na maintenance na gamot sa puso, ipainom ito agad kung kinakailangan.
8. Para sa heart attack, kailangang magbigay ng first aid medicine sa pasyente. Painumin ito ng isang Aspirin 325mg o dalawang tablet ng Aspirin 80mg tablet.
9. Kung marunong kumuha ng blood pressure, i-monitor ang blood pressure ng pasyente. Ito ay para mabantayan ang biglang pagbagsak ng kanyang blood pressure ng pasyente.
10. Dalhin agad ang pasyente sa emergency room ng ospital. Ang mga doktor na ang makakapagsabi kung ano ang tamang gamutan para sa pasyente.