Dingdong laging handa sa military operation: Doon kami sa combat support

NGAYONG gabi na magsisimula sa GMA Telebabad ang Philippine adaptation ng Korean hit series na Descendants of the Sun starring Dingdong Dantes and Jennylyn Mercado.

Siguradong inaabangan na ng mga fans ng DOTS ang pilot episode ng Pinoy version nito matapos mag-trending at pusuan ng milyun-milyong netizens ang mga teaser trailer nito sa iba’t ibang platforms ng Kapuso Network.

Napanood na namin ang first episode ng DOTS nina Dingdong at Jennylyn sa nakaraang mediacon ng serye at in fairness, impressive agad ang mga pasabog na eksena na talaga namang ginastusan ng production.

Lumebel ito sa original DOTS ng Korea na pinagbidahan ng former couple na sina Song Joong Ki at Song Hye Kyo. At pilot pa lang ay nagpakilig agad ang tambalang DongJen kaya tiyak na susubaybayan din ito ng mga naadik noon sa original DOTS.

Ang Descendants of the Sun ay sa direksyon ni Dominic Zapata at mapapanood na starting tonight after Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday.

* * *

Samantala, sa nakaraang mediacon ng DOTS, naikuwento ni Dingdong kung paano nalaman ng panganay na anak nila ni Marian Rivera na si Zia na isa na pala siyang totoong sundalo.

One time raw ay ipinakita ng Kapuso Primetime King ang mga litrato niya sa taping ng DOTS na naka-military uniform, “Kapag nagpapakita ako ng picture sa kanya, kunwari nasa bundok ako para sa Amazing Earth, she will ask, ‘Bakit ka nandu’n?’

“So, nu’ng ipinakita ko yung nakasundalo ako, ‘Ba’t ka naka-soldier?’ ‘Oh, that’s for a role,’ sabi ko, ‘Pretending to be a soldier for my show.’

“E, minsan nakita niya sa bahay, ‘Ba’t nakasundalo ‘to?’ ‘Tapos sabi niya, ‘Are you pretending to be a soldier? Tapos napaisip ako, ‘You know, Zia, because I’m a reservist, I am a volunteer, I help the real soldiers. So, yes technically, I’m a soldier.’

“’Oh!’ Sabi niya, ‘You’re a reservist, a soldier. Oh, I get it.’ Minsan ang mga simpleng tanong na yun, na napapatanong ka rin sa sarili mo na, ‘Ano ba talaga ako?’” napapailing na chika ni Dingdong.

Ayon pa sa Kapuso TV host-actor, nagpapasalamat siya sa kanyang pamilya, lalo na sa asawa niyang si Marian Rivera, sa suportang ibinibigay sa kanya bilang military officer. Proud na proud nga raw si misis nang ma-promote siya bilang lieutenant commander sa Philippine Navy.

Paano nga ba niya na-achieve ang posisyon na ito? “Talagang dini-deliberate nang mabuti. Nu’ng 2006 kasi naging reservist ako sa Philippine Marines. Ang Philippine Marines, under the Philippine Navy.

“Magmula nu’n, nagsimula na ang partnership namin. With our organization, the Yes Pinoy Foundation, na-attach kami sa reservists ng marines. Ang tawag du’n affiliate. So, I’m under the PNARU, yung Philippine Navy Affiliate Reserved Unit.

“Ang ibig sabihin tumutulong kami sa combat support, parang Combat Support Battalion. Kung ano man yung pangangailangan nila, kagaya ng mga vehicles, manpower…may mga doktor din kami,” paliwanag ni Dingdong.

“Right now, nagku-concentrate kami sa disaster preparedness. So, for several years, yun ang tinututukan namin sa Yes Pinoy. Saan man kami pumunta, yun ang bitbit namin, ang mga marines parati.

“In a way, nagiging project din ng mga military yun dahil nasa interest din ng mga sundalo ang panatilihing safe ang mga mamamayan, especially ang mga kabataan. Du’n kami pumapasok. So, we are volunteers and we assist them,” dagdag niyang pahayag.

Read more...