PSC chief napiling PSA Executive of the Year

NAGING matagumpay ang kampanya ng Team Philippines sa 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa nitong nakaraang taon at hindi maikakaila na si Team Philippines Chef De Mission William ‘Butch’ Ramirez ang namuno para mangyari ito.
Kaya naman si Ramirez ay pararangalan bilang Executive of the Year sa gaganaping SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Si Ramirez, na siya ring chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), ang kinikilala bilang pangunahing sports leader na nanguna sa Team Philippines para mabawi ang overall championship ng SEA Games matapos ang 14 taon.
Ang 1,115 Pinoy athletes ay humakot ng record na 149 ginto, 117 pilak at 121 tansong medalya na pinakamaraming nahakot ng Pilipinas magmula nang sumali sa biennial meet noong 1977. Si Ramirez ang siya ring PSC chief nang makuha ng bansa ang SEA Games overall title noong 2005.
Makakasama naman si Ramirez sa listahan ng premyadong grupo na kinabibilangan nina Manny V. Pangilinan, Ramon S. Ang, Wilfred Uytengsu, Hans Sy, Ricky Vargas, Chito Salud, Jude Echauz, Dan Palami at Philip Ella Juico na binigyan ng nasabing parangal ng pinakamatandang media organization na pinangungunahan ng presidente nitong si Tito Talao ng Manila Bulletin..
Sasamahan din ni Ramirez ang buong Team Philippines sa entablado ng gagawing awards night na hatid ng PSC, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA), Rain or Shine at AirAsia bilang Athlete of the Year awardee.
Ipagkakaloob din ng PSA ang mga tropeo para sa President’s Award, Executive of the Year, National Sports Association (NSA) of the Year, Ms. Basketball, Mr. Volleyball, Ms. Golf, Mr. Football at Coach of the Year.
Mayroon ding tatanggap ng Major Awards, Lifetime Achievement Award, Tony Siddayao Awards, MILO Junior Athletes Award at parangal sa mga SEA Games gold medal winners.
Bibigyan din ng pagkilala ang mga sports personalities na pumanaw sa nagdaang taon sa nasabing okasyon.

Read more...