APAT na sundalo ang nasugatan nang maaksidente ang sinakyan nilang military truck sa Tanauan City, Batangas, Miyerkules ng umaga.
Ang apat ay bahagi ng convoy na tumulong sa isang grupo na magdala ng relief goods sa mga residente ng Laurel at Agoncillo na naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano, sabi ni Brig. Gen. Marceliano Teofilo, commander ng Armed Forces Joint Task Group-Taal.
Galing ang relief goods sa grupo partner ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Cielito “Honeylet” Avanceña at mga asawa ng mga miyembro ng Gabinete, aniya.
Kinilala ng pulisya ang mga sugatan bilang ang truck driver na si Cpl. Marlon del Mundo, 34; at mga pahinanteng sina Pfc. Jerric Barrientos, 25; Sgt. Michael Mendaros, 37; at Pfc. Ronnie Corpuz, 24.
Ang naaksidenteng sasakyan ay isang 5-ton truck ng 4th Forward Service Support Unit ng Army Support Command.
May karga ito noong aabot sa 100 sakong bigas, ayon sa pulisya.
Naganap ang aksidente sa bahagi ng Tanauan-Talisay provincial road na sakop ng Brgy. Bañadero, dakong alas-5.
Nang marating ang isang kurbada ay dumausdos ito palabas ng kalsada, rumampa, at nahulog sa kanal na may lalim na 5 metro, ani Teofilo.
“May tricycle itong iniwasan na mabangga kaya nahulog sa gilid,” aniya.
Unang dinala sina Del Mundo, Barrientos, Mendaros, at Corpuz sa C.P. Reyes Hospital ng lungsod, at pagdaka’y nilipat sa Fernando Air Base sa Lipa City, bago dinala sa Camp Gen. Nakar Station Hospital sa Lucena City, Quezon.
“Wala namang nabalian, may mga bugbog lang sila at may isa na tinahian ng 6-stitches ang sugat,” sabi ni Teofilo, patukoy sa mga sugatang kawal.
Nagpatuloy ang lima pang trak na bahagi ng convoy sa Laurel municipal grounds kung saan ipamamahagi ang relief goods.
Dinala doon ng iba pang sasakyan ang karga ng naaksidenteng trak.
Inaalam pa ng mga mekaniko ang pinsalang tinamo ng naaksidenteng trak, na isa sa mga tinanggap kamakailan lang ng AFP mula sa Russia, ani Teofilo.