SERYOSO at napapanahon ang tema ng latest hugot movie ng Viva Films na “On Vodka, Beers And Regrets” starring Bela Padilla and JC Santos.
Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na special screening nito sa Estancia Mall cinema 2 sa Ortigas last Monday na dinaluhan nina Bela at JC kasama ang kanilang direktor na si Irene Villamor.
Base sa huling interview namin sa dalawang bida ng “On Vodka, Beers And Regrets”, sa lahat ng nagawa nilang pelikula, ito na raw ang pinakamasakit at pinakamalalim na hugot movie na pinagbidahan nila.
At tama naman dahil matindi ang pinagdaanang struggle ng mga karakter nina Bela at JC bilang sina Jane at Francis na naging malapit sa isa’t isa matapos maglasingan sa bar. Ang minsang walwalan ay nasundan pa nang nasundan hanggang sa magkainlaban.
Pero hindi naging madali para sa kanila ang mahalin ang isa’t isa dahil sa mga dala nilang bagahe sa buhay, lalo na si Jane – dating sikat na artista na naging alcoholic matapos malaos dahil sa kinasangkutang sex scandal.
Ang pagtatagpo ng dalawang bida sa kuwento ay ang pagsisimula naman ng sandamakmak na hugot scenes sa pelikula na siguradong magpapasakit sa dibdib ng mga manonood, lalo na sa mga taong tunay na nagmamahal pero patuloy pa ring nasasaktan.
Bukod sa love problems, tinalakay din ang ilang dahilan kung bakit nagiging alcoholic ang isang tao at kung paano ito lalabanan sa gitna ng mga tukso. In fairness, convincing at totoong-totoo ang pagkakaganap ni Bela bilang laos na aktres na napariwara ang buhay.
Muli niyang pinatunayan sa movie na kering-keri niyang gampanan ang kahit anong role na ibigay sa kanya. Effortless ang acting ng dalaga rito pero tagos na tagos.
Comment nga ng ilang nakapanood, gusto na rin nilang makipag-inuman kay Bela para damayan ang kaawa-awang karakter nito sa pelikula.
Ganu’n din si JC na maraming pinakilig at pinaiyak sa role niya bilang martir na lalaki na gagawin ang lahat para sa pinakamamahal niyang babae. Pero ang tanong ng ilan, may lalaki pa kayang nabubuhay sa mundo na tulad ng role niyang si Francis?
Sa mga nagpapantasya naman kina JC at Bela, may patikim naman sila para sa inyo. Abangan ang swimming pool scene nila kung saan pareho silang nagpasilip ng kanilang kaseksihan.
Samantala, siguradong magugulat kayo sa mga eksena ni Matteo Guidicelli sa movie bilang sadistang dyowa ni Bela. First time namin siyang napanood bilang kontrabida kaya may gulat factor talaga sa audience.
Maganda ang pagkagawa ng pelikula, masasabing gamay na gamay na talaga nina JC at Bela ang mga ganitong klase ng pelikula – yung pakikiligin ka muna saka ka sasaktan nang bonggang-bongga pero marami pa ring realizations sa ending.
Kayo na ang bahalang humusga sa kinahinatnan ng pagmamahalan nina Francis at Jane, kung deserve ba nilang masaktan nang bonggang-bongga o kung dapat bang magkaroon ng happy ending ang kanilang nakalalasing na love story.
Showing na ngayon sa mga sinehan nationwide ang “On Vodka, Beers And Regrets” mula sa Viva Films. Kasama rin dito sina Rio Locsin, Kean Cipriano at marami pang iba.