3 nagbenta ng droga sa Manila Cathedral dakip; P3.4M ‘shabu’ nasabat

 

ARESTADO ang tatlong lalaki nang makuhaan ng P3.4 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa parking area ng Manila Cathedral sa Intramuros, Manila, Martes ng hapon.

Naaresto sina Mobarak Andra, 35; Harodin Ampatua, 33; at Basit Masulot, 33, pawang mga residente ng Baseco Compound, Tondo, ayon kay Joel Plaza, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region.

Pawang mga “high-value drug target” ang tatlo, aniya.

Isinagawa ng mga tauhan ng PDEA-NCR Northern District Office ang operasyon dakong ala-1:30.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng PDEA ng mga ulat na nagbebenta sina Andra, Ampatua, at Masulot ng droga sa iba-ibang bahagi ng Metro Manila, ani Plaza.

Nakuhaan ang mga suspek ng limang pakete na may aabot sa 500 gramo ng umano’y shabu.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law, ani Plaza.

Read more...