Pamilya, 2 pa dakip sa drug den

ARESTADO ang isang lalaki, tatlo niyang anak, at dalawa pang tao nang salakayin ng mga otoridad ang isa umanong drug den sa Sta. Ana, Manila, Martes ng umaga.

Kabilang sa mga nadakip sina Rowel Mijares alyas “Toto,” 43, at mga anak niyang sina Justine alyas “Tin-tin,” 21; Joshua, 19; at Jonaliza, 18, ayon kay Joel Plaza, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region.

Nadakip din ang mga kasabwat nilang sina Gilbert Valdez, 42, at Melvin Nicanor, 28, aniya.

Sinalakay ng mga tauhan ng PDEA-NCR at Manila Police District Station 6 ang bahay ng mga Mijares sa Santan st., Brgy. 900, Punta, dakong alas-11:30.

Ikinasa ang operasyon matapos isailalim si Mijares at kanyang mga anak sa 3-linggong surveillance, kung saan nalaman na madalas “bisitahin” ng mga di kilalang tao ang kanilang bahay tuwing gabi, ani Plaza.

Nasamsam sa bahay ang siyam na sachet na may kabuuang 20 gramo o P136,000 halaga ng umano’y shabu, mga paraphernalia, at mga cellphone na ginamit sa transaksyon ng droga, aniya.

Hinahandaan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law, ani Plaza.

Read more...