SA kabila ng dalawang sunod na pagkatalo sa taong 2012 ay buo pa rin ang paniniwala si Manny Pacquiao na magtatagal pa siya kung ang boxing career ang kanyang pag-uusapan.
Inihayag ni Pacquiao na wala siyang nararamdamang masama sa kanyang pangangatawan kahit ang huling laban niya kay Mexican ring legeng Juan Manuel Marquez noong Disyembre ay nauwi sa di inaasahang sixth-round knockout.
Bago ito ay natalo ang Pambansang Kamao kay Timothy Bradley noong Hunyo para mawala sa kanya ang WBO welterweight title.
“I never feel something in my body. I still feel strong and I can still fight,” wika ni Pacquiao sa panayam ng Reuters habang nasa Singapore upang i-promote ang kanyang laban kontra kay Brandon Rios sa Macau, China sa Nobyembre 23.
Hindi naman niya pipilitin ang sarili kung mararamdaman niya na hindi na niya kayang lumaban pa sa ring at handa niyang ianunsyo ang kanyang pagreretiro kung mangyayari ito.
“I tell you frankly, honestly in myself I can still fight and I feel strong. If there is something wrong in my body or something wrong in my boxing skill I have to think about that and think about retirement,” dagdag nito.
Pero dahil wala pang senyales na humihina na siya, nakikita pa ng kinatawan ng Sarangani Province na patuloy siyang sasampa ng ring sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
May 54 panalo, 5 talo at 2 tabla kasama ang 48 knockouts ang karta ni Pacquiao. Pakay niyang manalo ng kumbinsido laban kay Rios para makahirit pa ng isang laban kontra Floyd Mayweather sa susunod na taon.
Pero ito ay kung papayag si Mayweather na makasagupa si Pacman. “I’m open to fight with Floyd but the problem is that he doesn’t want to fight me. He keeps coming up with excuses.
Let’s just give the fans the fight they all want,” hamon ni Pacquiao. Ang pagbisita sa Singapore ang kukumpleto sa media tour sa Asia. Tumungo rin sina Pacquiao at Rios sa Macau, Beijing at Shanghai.
Lilipad ang magkabilang kampo patungong New York para sa press conference ng laban na gagawin sa Agosto 6 sa Jing Fong Restaurant. Ang non-title fight ay idaraos sa The Venetian Cotai Arena.