BINARA ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas si PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima dahil sa pahayag ng huli na walang problema sa agad na paglinis sa pinangyarihan ng pagsabog sa Cagayan de Oro City.
“’Di okay sa akin, maaari sa akala nila okay. Ngayon di na natin mabalikan ’yung crime scene. Saan ka nakakita na sa loob ng 12 hours na nangyari itong karumal-dumal na pagsabog na ito ay hahayaang linisin?” sabi ni Roxas nang makapanayam ng mga reporter kahapon.
“Ipaliwanag niya (Purisima) sa akin kung ano ’yung point niya,” sabi pa ng kalihim. Ibinigay ni Roxas ang mga pahayag ilang araw matapos sabihin ni Purisima na walang problema sa naganap na paglilinis sa crime scene dahil nakuhaan na ito ng mga litrato at ebidensiya.
Ayon sa kalihim, di malinaw sa patakaran ng PNP kung kailan maaring linisin ang crime scene kaya kailangang repasuhin ang mga reglamento.
“Tiningnan ko ’yung reglamento ng PNP, hindi malinaw ang nakatakdang panahon, ang minimum, so babaguhin natin ang reglament nang sa ganoon ay ma-preserve ’yung crime scene,” aniya.
Sa hiwalay na panayam, iginiit naman ni Purisima na walang problema sa naging paglilinis sa crime scene at sinabing naipakita na kay Roxas ang mga litratong kuha doon.
“I have communicated with the secretary last Wednesday… pinakita ko sa kanya ang mga pictures na nakuha sa crime scene and it seems parang hindi siya naging satisfied.
Maybe because there are so many things we are considering here, kasi sabi niya why so fast. But we will let the investigators and crime processors determine that,” anang PNP chief.
Naganap ang pagsabog alas-11:30 ng gabi noong nakaraang Biyernes sa Kyla’s Bistro ng Rosario Arcade. Nagtungo si Roxas sa pinangyarihan nang sumunod na araw para mag-inspeksyon, ngunit dinatnang malinis na ang lugar.
Inulat ng lokal na pulisya na nakakuha na ng mga “metal fragment” at piyesa ng 9-volt battery sa pinangyarihan bago pa ito nilinis.