Juan Gapang, Kenyo Street Fam itinanghal na ‘Your Moment’ Grand Champions

JUAN GAPANG

 

KENYO STREET FAM

ANG awiting “Tatsulok” ni Bamboo ang kinanta ng Juan Gapang sa Your Moment grand finals na ginanap nitong Linggo sa Studio 2 ng ABS-CBN kung saan sila ang tinanghal na grand singing champion. Tinalo ng grupo ni Kokoi Baldo ang bandang Verse.

Bitbit ng Juan Gapang ang malaking tsekeng nagkakahalaga ng P2 milyon at ang kanilang tropeo.

Pinasalamatan ng grupo ang lahat ng nakatulong sa kanila para marating ang tagumpay nila sa Your Moment, “Ramdam namin ngayong halo, tuwa, kaba, hindi namin ma-explain kung panaginip ito sana huwag na kaming magising. Maraming salamat talaga sa ABS-CBN family, maraming salamat sa tiwala at respeto na sobra-sobra na hindi namin ini-expect (mananalo) sa rami ng sumali.

“Ako kasi gusto ko lang tumugtog, pinangarap ko lang kumanta. Nagkaroon ako ng banda na Juan Gapang, maraming salamat sa kanilang apat sila ang nagsilbing kamay at paa ko, natupad ang pangarap na hindi ko pala kayang mag-isa,” ang madamdaming sabi ni Kokoi.

Kasama ring humarap sa mediacon ang mentor at manager ng Juan Gapang na si Markus Davies, “Thank you for allowing me to be part of this (Your Moment), I’m so proud of these guys.”

Sa pagharap ng grupo sa media/bloggers ay inamin ni Kokoi na wala pa silang naiisip ngayon kung ano ang gagawin nila sa premyo, “As of now hindi pa namin alam kung anong gagawin namin sa pera, set aside muna, ang gagawin namin ngayon ay i-enjoy, brainstorming kami kung anong gagawin namin sa banda namin.

“Siguro kung may gagawin kami is iparinig sa tao, makapag-record kami at doon na maririnig ang boses namin na boses ng tao, all walks of life na nararanasan ngayon, mga struggle sa buhay.

Kailangan marinig ng sambayanan ang nangyayari sa buhay thru music,” say ng mang-aawit.

Ayon naman sa manager nilang si Markus ay pag-iisipan nila kung anong gagawin nila at kailangang mag-usap-usap pa sila. Sa tanong kung anong challenges ang pinagdaraanan niya sa grupo, “Dealing with them. Ha-hahaha!”

Sabi kasi ni Kokoi hirap na hirap silang makipag usap kay Markus, “Nosebleed kami lagi sa kanya. Pero malaking pasalamat kasi may nag-manage sa amin, may gumastos sa amin.”

Sa isang episode ng Your Moment ay naging emosyonal ang isa sa mga judge na si Nadine Lustre nang mag-perform ang Juan Gapang (Kapayapaan) dahil nasabay ito sa pinagdaraanan ng aktres – naghiwalay sila ng boyfriend na si James Reid at ang problema niya sa Viva.

Kaya naman natanong si Kokoi sa mediacon kung anong kanta ang gusto niyang ialay kay Nadine para maibsan ang nararamdaman nito ngayon ay kinanta niya ang awiting “Turn Your Lights Down Low”.

Samantala, ang grupong Kenyo Street Fam naman ang grand champion sa dance contest na nagwagi rin ng P2 milyon.

Naiiyak naman ang mentor at artistic director ng Kenyo na si Lema Diaz sa ipinakitang husay sa entablado ng grupo.

Diretsahang inamin ng lider ng Kenyo na ang perang napanalunan nila ay ipagpapatayo nila ng dance studio para hindi na sila kung saan-saan nagre-rehearse at para rin sa mga susunod pang henerasyon na gustong sundan ang yapak nila lalo na ang mga kabataan na tuturuan nila.

Idol ng Kenyo ang grupong Streetboys dahil pareho sila ng pinagdaanang hirap at magsisilbing inspirasyon daw ng grupo ang dating member nitong si Vhong Navarro.

At dahil successful ang unang season ng Your Moment hosted by Luis Manzano at Vhong Navarro ay abangan daw ang second season nito very soon.

Read more...