Mga misteryo ng China virus dapat ibandera ng WHO, DOH

KUMPIRMADONG novel coronavirus ang sanhi ng pagkamatay ng 44-anyos na Chinese male patient sa San Lazaro Hospital noong Sabado.
Siya ang partner ng 38-year old na babaeng taga-Wuhan China na unang nagpositibo.
Ayon sa Chinese Embassy at DOH, iki-cremate ang bangkay.
Ito ang unang pagkakataon na may coronavirus patient na namatay sa labas ng China at minalas tayo, dito pa sa atin nangyari.
Nauna rito, 25 bansa kabilang ang Pilipinas ang merong Wuhan coronavirus. Nangunguna ang Thailand na merong 19 kung saan isang Thai taxi driver ang nahawaan ng mga Chinese tourists, indikasyon ng tinatawag na “community transmission”.
Sa ngayon, hinahanap na ang mga nakasalamuha ng naturang Thai taxi driver.
Sa Vietnam, anim ang confirmed cases kabilang ang babaeng Vietnamese na local receptionist na nahawa ng mag-amang Chinese tourists. Wala pa namang nasasawi sa mga pasyente, di katulad dito sa atin.
Dahil nagkahawaan na ang Chinese tourists-Thai taxi driver at Chinese tourists-Vietnamese receptionist, mas delikado ngayon sa Thailand at Vietnam dahil kalahi na nila ang carrier.
Sa ngayon, bumabalanse tayo sa dalawang sitwasyon.
Una, tayo ba’y nasa period of “containment” dahil dalawang Chinese na taga-Wuhan ang bumiyahe sa Cebu, Dumaguete at Metro Manila?
Ikalawa, meron na bang “local transmission” ng mga nahawang pasahero sa eroplano, ang mga hotel staff sa Cebu at Dumaguete at iba pa?
Wala pong sagot hanggat hindi kinukumpirma ng DOH. At sa ganitong sitwasyon, ang pag-iwas sa mga lugar na pinuntahan ng mga Chinese tourists ang dapat tuunan ng pansin, pero huwag namang ilahat ang mga lugar. Una, hindi dapat iwasan ang buong Cebu, hindi rin buong Dumaguete. Hindi rin dapat iwasan ang lahat ng Chinese dahil hindi naman lahat taga-Wuhan o kaya’y confirmed carrier.
Napakaraming mga tanong at kapag ganito, mataba rin ang mga ispekulasyon, at matindi ang pangamba ng marami.
Sa mga groceries, wala nang mabiling alcohol o hand sanitizers, nauna siyempreng nawala ang mga face masks.
Kumonti ang mga tao sa mga malls, bagamat meron silang less 50-70-% sales. Ganoon din sa mga restoran, na konti ang kumakain at nawalan ng customers dahil sa umiiral na sitwasyon.
Sa ganang akin, wala pa tayo sa puntong mag-panic. Sa halip, lahat tayo ay magtulungan para tuluyang makontrol ng gobyerno ang bagong sakit na ito.
Ang nangyayari nga-yon sa Wuhan, Hubei province at sa buong China ay dahil sa kalokohan ng kanilang gobyerno na itago ang mga tunay na nangyayari.
December 2019 unang nabalita, pinabayaan nang pinabayaan hanggang sa buong China at pati mamamayan nila sa buong mundo ay parang may ketong na ngayon kung ituring.
Ang kailangan ngayon ay pagkakaisa at tulungan. “Close quarters” ang sakit na ito, ibig sabihin, magkakapamilya ang nagkakahawaan at namamatay.
Bagamat sinasabi ng WHO at ng DOH na three percent lang ang mortality nito di tulad ng SARS (11 percent) at MERSCOV (35 percent), malaki ang posibilidad na mag-mutate ito at maging simbagsik ng dalawang nauna. Bukod dito, di na ako naniniwala sa mga mga numerong galing sa China; 305 lang daw ang namatay, 11,000 infections pero halos lahat ng China o higit 50 million katao ang naka-lockdown ngayon.
Kapag ganitong Russia, Amerika, Europe na mismo pati buong mundo pati Pilipinas ay nagsarado ng “borders” sa China, paano ka magtitiwala sa kanila?!
***
Para sa komento o tanong, mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09989558253.

Read more...