Xian: Mas baliw sa akin si Cristine, 2 ang karakter niya!  

           

INABOT ng tatlong linggo sa Tbilisi, Georgia ang shooting ng “Untrue” nina Xian Lim at Cristine Reyes, nagkataong winter pa kaya sobrang hirap ang dinanas nila roon.

“Sabi nga namin ni Cristine paano natin ito gagawin (sobrang lamig)?” bungad na kuwento ni Xian sa presscon ng “Untrue”.

Nabanggit ng direktor ng pelikula na si Sigrid Andrea Bernardo na noong nag-ocular siya sa location, 30 Filipino families pa lang ang nakatira at ito ang unang beses na may nag-shooting sa Georgia. Hindi kasi madaling puntahan ang lugar bukod pa sa sobrang lamig. Wala ring malls doon na puwedeng puntahan, pawang historical places at museum lang ang makikita.

Tinanong sina Cristine at Xian sa presscon kung nakapaglibot sila at nakausap ang mga taga-Georgia. “Siguro in between takes kapag may chance kami ni Xian, lumalakad kami.  Kasi lahat naman ng locations namin tourist spot so work and the same time nakikita namin Georgia,” sagot ng aktres.

Ayon naman kay Xian, “Picture friendly naman kasi ang daming makikitang maaaliw ang mata mo. Parang Before Christ (BC) pa itong mga structures na ito.”

Samantala, na-curious kami kung ano ang kuwento ng “Untrue” na isinulat din ni Direk Sigrid dahil sabi ni Cristine, “Hindi siya typical film and palagay ko, hindi ako sigurado, ito ang unang pelikulang Pinoy na nag-attempt na gumawa ng ganitong klaseng pelikula kaya kami ni Xian ako mismo nu’ng natanggap ko ang script, tuwang-tuwa ako ang ganda!”

Base sa trailer ng movie na ipinasilip sa mediacon, mag-asawa sina Cristine at Xian sa kuwento na nagmamahalan pero nagbubugbugan. Mukhang tungkol ito sa mga couple na masokista at sadista. Kaya natanong kung sino sa dalawang bida ang mas baliw (sa karakter nila at sa totoong buhay).

Sabi ni Cristine, “Siguro kung ang pag-uusapan ay role, pareho silang baliw na umibig kasi feeling ko kapag umibig nababaliw, hindi puwedeng umibig na hindi ka nababaliw.”

Sinegundahan naman siya ni Xian, “Sa role, I completely agree na pareho na lahat naman kapag umibig baliw, pero I think sa totoong buhay, parang si Cristine ‘yun (mas baliw). Ha-hahaha!”

“Sa totoong buhay at sa sobrang pagkabaliw ni Cristine mayroon kaming mahabang eksena tapos acting-action tapos medyo naguluhan lang ako sa eksena namin sa park. Sabi niya sa akin, ‘Ano ba, ayusin mo!’ Kaya sabi ko, ‘Ha? Cristine saan nanggaling ‘yun?’ Pagkatapos (ng eksena), sabi niya ‘tapos na, okay let’s go’. Dalawang karakter itong si Cristine kaya I think siya, from intense to nice, ang hirap timplahin,” paglalarawan ni Xian.

Matitindi ang mga eksenang sinyut ng dalawa kaya pala nakabantay maigi si direk Sigrid sa kanila. Inilarawan nila si Direk na perfectionist, “Very energetic pa si direk Sigrid talagang perfectionist, ‘yun ang right word for direk Sigrid,” sabi ni AA (palayaw ni Cristine).

Sabi ni Xian, “And she’s very intense to the point na hindi talaga siya magmu-move on sa next scene or sasabihin na, ‘okay na ‘yan, ayusin na lang natin sa post’ or ‘bawi na lang sa susunod,’ never! Lagi niyang ginagamit ‘yung word na ‘yun, never!”

Bilang baguhang direktor at nagsusulat na rin ng script, natanong si Xian kung gaano ka-metikuloso si direk Sigrid, “Sobra! To the point na it’s an obsession na mayroon si direk sa craft niya and the obsession I see is bring passion na galing lang for a nagsisimula tulad ko to witness especially.  

“Hindi lang si direk Sigrid, I also want to give credit to the people around her, grabe from the PD (production design) to her AD (assistant director) to everyone, at sa lahat ng kasama namin sa production, everyone was there to help so, it’s an honor na na-witness ko ‘yun,” kuwento ng aktor.

Kung nasa mediacon si direk Sigrid siguradong pumapalakpak ang tenga niya sa mga papuri sa kanya nina Cristine at Xian. Ipalalabas na ang “Untrue” sa Peb. 19 produced by Viva Films and line produced ng IdeaFirst Company.            

Read more...