Senior citizen may discount pa rin kahit walang OSCA ID

TIYAK na maibibigan ng ating mga senior citizens ang topic natin ngayon. Ito ay tungkol sa isyu ng pribilehiyong 20 percent discount na ibinibigay sa kanila at di pagpataw sa kanila ng 12 percent VAT. Marami kasi ang nagtatanong na mga lolo at lola natin kung pwede pa rin ba silang makadiskwento kahit wala silang Senior Citizens ID na iniisyu ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA).

Kadalasan ang mga establisimyento ay humihingi ng senior citizen ID na inisyu ng OSCA bago nila bigyan ng karampatang diskwento. Minsan, ang senior citizen ay nakakalimutan ang kanyang senior citizen ID o kaya naman ay hindi pa sila nabibigyan o maaaring hindi makapag-aplay sa kung ano mang dahilan. Kalimitan sa ganitong pagkakataon ay hindi sila nabibigyan ng diskwento.

Ayon sa batas (Republic Act No. 7432 na inamyendahan ng RA 9994), ang isang senior citizen ay dapat mabigyan ng 20 percent senior citizen discount kahit wala siyang senior ID na binibigay ng OSCA.

Nakasaad sa batas na ang senior ID na binigay ng OSCA ay isa lamang sa maraming pwedeng maging patunay ng pagiging senior citizen ng isang indibidwal. Kinakailangan pa rin mabigyan ng discount ang senior citizen basta siya ay may sapat na dokumento ng pagkakakilanlan na magpapatunay na siya ay senior na.

Batas na mismo ang nagsabi na maaring gamitin bilang patunay ang (1) passport; o (2) ibang dokumento nagpapatunay ng edad ng senior kagaya ng driver’s license, voter’s ID, SSS/GSIS ID, PRC card, postal ID at iba pa, para ma-enjoy ang pribiliheyo na kaakibat nito.

Pero papaano kung ang isang senior citizen ay walang anumang ID, pero sa hitsura niya pa lang ay walang kaduda-duda na isa siyang senior citizen. Maaari ba siyang humingi ng senior discount ayon sa batas ?

Sinaliksik at pinag-aralan ko ang batas tungkol dito pati na ang implementing rules and regulation nito, ngunit kinalulungkot ko na walang probisyon dito na nagbibigay ng karapatan humingi ang isang senior citizen ng discount kung wala itong anumang ID.

No ID no Discount ang policy.

Ito ay sa kadahilanan na ayon sa batas kinakailangan pa ring mag-presenta ng lehitimong ID bago mabigyan ng discount. Ito ay dahil ang batas din mismo ang nagsaad na ang mga establisyemento na nagbibigay ng senior citizen discount ay dapat nagtatala ng mga nabigyan ng discount at dapat magbigay ng tamang resibo sa senior citizen bilang patunay na pagbigay ng discount.

Sana magkaroon ng revision ang Senior Citizen Law para matugunan ang ganitong sitwasyon at mabigyan ng senior discount ang mga senior citizens na walang maipresentang anumang ID.

Ang hindi pagbigay ng diskwento sa mga senior ay maaaring patawan ng kapurasahan: (1) sa unang paglabag, multa na P50,000 hanggang P100,000 at pagkakulong ng dalawa hanggang anim na taon; (2) sa pangalawang paglabag, multa na P100,000 hanggang P200,000 at pagkakulong ng dalawa hanggang anim na taon.

***
Kung may nais kayong itanong sa Para Legal, maaaring mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09989558253.

Read more...