NAKATIKIM na naman nang matinding bashing si Regine Velasquez dahil sa pagpanaw ng NBA basketball legend na si Kobe Bryant.
Hindi niya naman sinadya ang pagkakamali, siguradong mula sa puso naman ang kanyang nararamdamang pakikisimpatya sa mga iniwan ng sikat na basketbolista sa buong mundo, sumablay lang siya sa spelling ng pangalan ng NBA legend.
#RIPCoby ang kanyang ipinost. Natural, Regine Velasquez siya, sikat na singer na masarap pakisakyan sa bashing. Ganu’n nga ang naganap.
Pagkatapos lang nang ilang minuto ay para na siyang bolang pinaglaruan ng mga bashers. Kung anu-ano nang masasakit na salita ang ibinato sa kanya.
Agarang humingi ng paumanhin ang singer, may dyslexia raw kasi siya, nahihirapan siya sa spelling ng mga lugar at pangalan kadalasan.
Hindi ‘yun binili ng mga bashers, balik-bashing pa rin ang inabot niya, na-spell nga raw niya nang tama ang kanyang sakit pero ang spelling ng pangalan ng NBA legend ay hindi niya naitama?
Simpleng pagkakamali lang ‘yun na pinalaki ng mga bashers. Nakiramay na nga naman siya ay naupakan pa.
Ang leksiyon ng senaryong ito ay simple lang. Magsaliksik muna bago mag-post.
Alamin muna ang tamang spelling. Gustung-gustong nakakakita ng mga ganyang kakapusan ang mga bashers.