Mega, Regine bibida sa Pinoy version ng K-movie na ‘Sunny’, Bela itatambal sa Korean actor

REGINE VELASQUEZ AT SHARON CUNETA

IBINANDERA ng Viva Entertainment ang 34 na pelikulang nakatakda nilang gawin ngayong 2020.

Ayon kay boss Vic del Rosario, ang may-ari ng Viva Films, hindi siya naniniwala na unti-unti nang namamatay ang Philippine movie industry. Aniya, hangga’t may mga Filipino na tumatangkilik sa mga pelikulang Pinoy, patuloy silang magpo-produce.

Sa ginanap na #2020 Viva Vision kamakalawa ng gabi, ibinalita na sa 34 na pelikulang gagawin ng Viva Films this year, 15 dito ang natapos na at sunud-sunod na ipalalabas sa mga sinehan.

Dalawa agad ang pagbibidahang movie ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa Viva – ang “A Hard Day” na Filipino version ng 2014 blockbuster South Korean action thriller at planong ilaban sa Summer Metro Manila Film Festival 2020 at ang remake ng “Joaquin Bordado” na napanood noong 2008 sa GMA 7 starring Robin Padilla.

Kailangan ding abangan ng mga Sharonians at Reginians ang unang pagsasama sa pelikula nina Regine Velasquez at Sharon Cuneta. Sila ang bibida sa Philippine adaptation ng 2011 Korean movie na “Sunny”.

Ito’y tungkol sa isang babaeng nais tuparin ang dying wish ng kanyang BFF na muli silang magkasama-sama ng kanilang mga high school friend.

Sa mga naghihintay naman ng reunion movie ng phenomenal and unexpected loveteam nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi, this year na mapapanood ang kanilang “Walang Ka-Paris” na kukunan pa sa Paris, France.

At kung may isang Viva talent na babagyuhin ng swerte this year, yan ay walang iba kundi si Bela Padilla dahil lima yata ang pelikulang pagbibidahan niya ngayong taon. Biro nga niya, baka maging “Viva Padilla” na rin ang screen name niya.

Bukod sa Valentine hugot movie nila ni JC Santos na On Vodka, Beers And Regrets, gagawin din nila ng aktor ang sequel ng “100 Tula Para Kay Stella”; “The Wedding Breaker”; “Spellbound”; at ang “Ultimate Oppa” kung saan makakatambal niya ang Korean actor na si Kim Gun-Woo.

Samantala, hindi pa man nanganganak si Anne Curtis sa panganay nila ni Erwan Heussaff ay may movie project na agad na naghihintay sa kanya, ang “The Devoted” na co-production ng Viva Films at IdeaFirst Company.

Swerte rin ang komedyanteng si Janno Gibbs sa Year of the Rat dahil marami rin siyang gagawing pelikula sa Viva. Kasama siya sa “A Hard Day” ni Dingdong, bibida rin siya sa “Pak-Boys”, “Mang Jose”, at sa Pinoy version ng 2013 Mexican drama-comedy film na “Instructions Not Included” kasama si Xia Vigor.

Dalawa naman ang pelikula ni Xian Lim, ang “Love The Way You Lie” kasama sina Alex Gonzaga at Kylie Verzosa na mala-Hollywood classic movie na “Ghost” ang tema.

Siya rin ang bida sa malapit nang ipalabas na “Untrue” kasama si Christine Reyes. Isa namam itong suspense-drama-thriller kung saan nakipagtalbugan siya ng akting at action skills sa kanyang leading lady.

Read more...