KUNG oras mo na, oras mo na!
Iniwan na ni NBA superstar Kobe Bryant ang mundong malupit.
Sigurado ako na lahat tayo ay hindi naniwala noong una nating narinig ang balitang ito.
Hindi magandang biro ‘yan. Fake news ‘yan.
‘Yan ang unang lumagay sa ating mga isipan matapos kumalat na tila wildfire ang balitang kasama si Black Mamba at ang isa sa kanyang apat na anak na babae sa siyam na nasawi matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang helicopter sa isang bundok sa California.
Tunay ngang hindi natin alam kung kailan tayo ibabalik sa kandungan ng Panginoong Diyos. Sabi nga ng mga pilosopong tanders, kung oras mo na ay oras mo na.
It’s as simple as that.
Bata o matanda hindi maiiwasan ang kamatayan ngunit hindi rin naman natin masisisi kung magtanong kung bakit ang tulad pa ni Kobe ang kinuha agad ni Lord.
Si Kobe Bryant ‘yan. Sikat. Tanyag. At palaban.
Aminado ang 41-year-old basketball icon mula sa Los Angeles Lakers na ang pagiging Katoliko ang isang dahilan ng kanyang mahusay na pamumuhay ngunit sino ba tayo para husgahan ang desisyon ng Poong Maykapal ang bawiin na ang pinahiram niyang buhay.
Minahal ng buong mundo si Kobe hindi lang dahil sa kanyang pagiging kampeon sa basketbol na naging dahilan upang magsilbi siyang inspirasyon ng mga kasalukuyang henerasyon ng mga manlalaro.
Matapos ang kanyang kabayanihan sa Staples Center at sa iba’t iba pang mga palaruan (kabilang ang Olympics), mas higit na nakatatak sa kanyang hindi mabilang na tagasubaybay ang kanyang pagiging butihing ama na kasal ng 18 taon sa kanyang maybahay. Naaalala rin siya sa mga gawaing tumutulong sa mga nangangailangan at ang patuloy na pagbibigay ng kaalaman sa mga future basketball stars, lalaki man o babae.
Ang katotohanan ay papunta nga si Kobe sa isang basketball camp na kung saan ay kasali ang kanyang anak at coach nito si Kobe bago bumagsak ang helicopter sa hindi pa malamang dahilan.
Mas malaki pa sa basketbol si Kobe at marami pa siyang magagawa upang kahit papaano ay patuloy na magkaroon ng pag-asa ang mundong balot sa kahirapan, trahedya, hindi pagkakaunawaan dala ng kawalan ng respeto sa isa’t-isa at ang hindi pagtanggap ng pagkakamali.
Minahal natin si Kobe dahil sa kanyang walang kapantay na pagiging agresibo, ang kanyang pambihirang work ethics na nagsisilbing challenge sa kanyang mga kasangga at mga katunggali. Hindi natin makalilimutan si Kobe sapagkat isa siyang ehemplo ng pagiging tunay na sportsman. May kaastigan ngunit may kababaang-loob si Kobe at handa rin siyang bigyan papuri ang mga kalaban na sa tingin niya ay tunay na mandirigma on and off the court.
‘’I’m sick right now’’ tweet ni Shaquille O’Neal na matagal nakatambal ni Kobe sa Lakers.
Sa mga eksperto ng basketball, hindi naman lihim na may nabuong alitan o rivalry sa pagitan ng dalawang superstars na ito ngunit hindi ito naging hadlang upang magkamit ng mga kampeonato ang Lakers. Dito mo makikita ang tunay na kahulugan ng pagiging propesyonal na alam naman nating hindi natin masasabi sa ibang manlalarong Pinoy.
Dakila si Kobe, sabi nga ni Barangay Ginebra player LA Tenorio at hindi ko masisisi ang Atenista at Batangueno kung kahit papaano ay may pagkakapareho ang pagtahak nila ni Kobe sa buhay.
Bakit?
Kapwa pamilyado sina Kobe at LA at sa aking pagkakilala sa huli ay mabubuti silang ama.
Maaga tayong iniwan ni Kobe ngunit kailanman ay hindi natin malilimutan ang mga nagawa ni Black Mamba.
Natitiyak kong magpapatuloy ang alaala ni Kobe ngayon at sa mga darating na taon at ang masakit pa nito ay tiyak na magsusulputan ang mga balitang malayo na sa katotohanan. At ito ay ginagawa ng ilan sa mga mamamahayag, mga social media influencers, at kung sino-sino na lang na isa lang ang nasa isip—gumawa ng mga kontrobersya upang kumita ng tumataginting na salapi.
Nagsusumigaw sa mga papuri sina Magic Johnson, Kareem Abdul-Jabbar, LeBron James at Michael Jordan. Ngunit tulad nga ng aking naunang nasabi ay hindi lang naman mga basketbolista ang abot ng inpluwensya ni Kobe.
Maging ang mga naglalakihang pangalan sa showbiz at pulitika, mga simpleng mga tagasubaybay at mga taong hindi mahilig sa pagdridribol ng bola ay nagulat sa nangyari kay Kobe. Hindi ko sila masisisi. Isang malaking bangungot ang nangyari ngunit ito ay bahagi ng ating paglalakbay sa mundong ibabaw. Lahat tayo ay haharap sa Poong Maykapal at huhusgahan kung namuhay na may takot sa kanya.
Paalam, Black Mamba.