PATAY ang isang lalaki nang makipagbarilan sa mga pulis matapos manutok, sa Calauan, Laguna, nitong Sabado.
Dead on arrival sa ospital ang suspek na si Ariel San Gabriel, 48, ayon sa ulat ng Laguna provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng umaga, sa Brgy. Balayhangin.
Dumadaan ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch sa naturang lugar nang mamataan si San Gabriel na tinututukan ng baril ang isang babae, kaya hinintuan ito at nagpakilala bilang mga pulis, ayon sa ulat.
Sinubukang payapain ng mga pulis si San Gabriel pero imbes na tumalima’y sumigaw ng “Pulis din ako, magbarilan na tayo” at saka nagpaputok.
Dahil dito’y gumanti ng putok ang mga tauhan ng PIB, hanggang sa mapatumba si San Gabriel, ayon sa ulat.
Itinakbo pa ng mga pulis ang suspek sa isang pagamutan sa San Pablo City, pero di na ito umabot nang buhay.
Narekober naman sa crime scene ang isang kalibre-.45 pistola at dalawang basyo nito, at isang basyo ng kalibre-.9mm baril.