ISANG lalaki ang nasawi at siyam pa ang nasugatan nang sumalpok ang sinakyan nilang pick-up sa isang bahay sa Lopez, Quezon, Sabado ng gabi.
Dead on the spot ang isa sa mga pasahero ng pick-up na si Edwin Bunagua, residente ng Catanauan, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Dinala ang driver na si Rolando Magnaye at siyam niya pang sakay sa Magsaysay Hospital at Holy Rosary Hospital para malunasan.
Dalawa pang sakay ng pick-up ang pinalad na di nasugatan, ayon naman sa ulat ng Quezon provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-9:10, sa bahagi ng Lopez-Catanauan road na sakop ng Brgy. San Francisco B.
Minamaneho ng negosyanteng si Magnaye ang kanyang Toyota Hilux pick-up (ARA-5931) nang sumalpok sa isang poste ng kuryente at bahay ni Fresco Andal, 61.
Inaalam pa ng lokal na pulisya ang sanhi ng insidente.