Female star na naadik sa feng shui inatake ng sunud-sunod na kamalasan

DAHIL sa katatapos lang na selebrasyon ng Chinese New Year ay naalala ng magkakaumpukang magkakaibigan ang kuwento tungkol sa isang pamosong female personality na sumobra ang paniniwala nu’n sa feng shui.

Wala namang masama du’n, may eksplanasyon naman ang mga galaw ng planeta at bituin, kaya lang ay sobrang naging OA ang pag-angkla nu’n ng babaeng personalidad sa feng shui.

Kuwento ng isang source sa umpukan, “Talagang naging OA siya sa pagsuporta nu’n at paniniwala sa feng shui! Kapag nagpunta ka sa house niya, e, kung anu-anong Chinese animal characters ang naka-display sa sala niya!

“Kailangang maingat ka sa paggalaw, kasi, baka matalisod mo ang mga palaka sa ilalim ng silya, ang mga baboy sa tabi ng table, ang dami-dami kasing naka-display sa sala niya!

“Ganu’n siya katindi nu’n! Ang magkabilang braso niya, punumpuno ng mga bracelet, hindi siya nabibigatan, kasi nga, may mga paliwanag daw kung bakit kailangan niyang isuot ang mga pulseras na ‘yun!

“Merong para sa lovelife, meron din para sa magandang takbo ng career niya, meron pang para sa mga friends niya, meron ding para makaiwas siya sa aksidente at sa mga taong may planong lokohin siya!

“Ganu’n siya katinding maniwala nu’n sa feng shui, ang dami-dami niyang bitbit sa location, bago siya magsimulang magtrabaho, e, kailangang naka-display na ang mga animal characters sa table niya!” napapailing na pag-alala ng aming source.

Nakalulungkot lang ang naganap sa female personality na matinding naniniwala sa feng shui. Puro kabaligtaran ang nangyari sa kanyang buhay at career.

Kuwento uli ng aming impormante, “Nagkahiwalay sila ng husband niya, hindi naging maganda ang takbo ng career niya. Sino nga ba ang mag-aakala na ang tulad niya, e, biglang mawawalan pala ng trabaho sa network na parang bahay na niya?

“At ang pinakamasakit pa, e, naging madalas ang pagkakasakit niya. Tama ang sinabi nu’ng minsan ng isang nakakuwentuhan ko, may message sa kanya ang mga nangyari sa buhay at career niya.

“Dapat, sa Diyos lang siya nakaangkla, hindi sa mga ganu’ng nakahiligan niya. Pero ngayon, e, nabawasan na ang pagiging super-believer niya ng mga feng shui,” pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, walang-wala nang clue, kilalang-kilala n’yo kung sino ang pamosong babaeng personalidad na ito.

Read more...