Boundary system salot sa public transport system

NATANONG na ba ninyo kung bakit kaskasero ang mga driver ng public transportation natin?Bakit laging nagmamadali ang mga drivers ng jeep, taxi, at bus?
Ito ay dahil sa pinaiiral na boundary system ng mga operators ng Public Utility Vehicles o PUV sa bansa natin.
Kung hindi ninyo alam ang boundary system, ito ang sistema kung saan mayroong minimum amount na kailangang mag-intrega ang driver ng isang PUV sa operator niya bago maging kanya ang kinikita niya.
Medyo matanda na ang datos ko, pero ang huli kong alam, nasa P1,500 kada araw ang boundary ng taxi. P800 naman ang sa jeepney at P7,000 a day ang bus.
Sa tindi nang naisin ng mga drivers ng PUV na makapag-uwi ng malaking halaga sa pamilya nila, nag-uunahan sila makakuha ng pasahero kahit pa bumalagbag sila sa kalsada at maging perwisyo sa ibang mga motorista.
Dito pumapasok ang mentalidad ng “naghahanapbuhay lang kami!”
Pero hindi ito tama dahil sa mga sumusunod na dahilan–sanhi na sila ng trapik, kaskasero na sila magmaneho, pinupuno nila na parang sardinas ang kanilang sasakyan, hindi na sila sumusunod sa batas trapiko.
Matagal na itinakda ng batas na dapat suwelduhan ang mga PUV drivers pero iniikutan ito nga mga operators sa panloloko sa mga drivers na mas malaki ang kita nila sa boundary system.
Pero ang totoo, napapagod, napupuyat at na-i-istress silang mga driver at napapabayaan na nila ang kalusugan nila maabot lang ang boundary at kailangan nilang kita.
Wala pa silang benepisyo sa mga employers nila at laging delikado ang buhay nila dahil kaskasero nga silang magmaneho.
Samantalang kung suwelduhan sila, hindi na siguro sila magmamadali, maayos na silang magmaneho, laging sa tamang bus stops lang sila hihinto at mas maayos ang daloy ng trapiko sa kanilang lanes.
Pero sino ba ako para hingin ang pagbabagong ito kung ang mga bus, jeepney at taxi ay pag-aari ng mga heneral at politiko na siyang mga hari ng bansa natin?
***
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...