Psycho sci-fi thriller movie ng fil-am produ wagi sa Hollywood horror fest

ANA MULVOY TEN AT CHRISTIE BURKE

KAKAIBANG atake ng pananakot at panggulat ang ginamit sa psychological sci-fi thriller na “Ascension” mula sa WFL Productions na pag-aari ng Filipino-American producer na si Arsy Grindulo, Jr.

Ito ang kauna-unahang pagsabak niya sa filmmaking at masasabing naka-jackpot naman sila dahil umani na ng 12 awards ang pelikula mula sa iba’t ibang international film festivals, ang latest nga ay ang Best Sci-Fi Thriller Feature at Best Cinematography sa ginanap na Hollywood Horror Fest last year.

Ang “Ascension” ay idinirek ni Ross Wachsman, a graduate of Yale University and USC School of Cinematic Arts and recipient of the prestigious Annenberg Fellowship Awards. Ito ay co-executive produced ni Max Borenstein, isa sa mga creator, writer at producer naman ng Steven Spielberg’s “Minority Report” series sa Fox. He is also the writer of worldwide box-office hit “Godzilla”, “Kong: Skull Island” and the 2019 blockbuster film “Godzilla 2.”

Ayon kay Arsy, dahil first time producer nga, medyo hindi pa nila gamay ang pagma-market ng kanilang proyekto dito sa Pilipinas pero dahil alam niyang mahilig talaga sa mga horror at sci-fi movies ang mga Pinoy, umaasa siya na panonoorin ng madlang pipol ang “Ascension”.

Iikot ang kuwento ng pelikula sa 16-year-old na si Angela (Ana Mulvoy Ten) na dumaranas ng depresyon at mental issues matapos magpakamatay ang kanyang ina (Robyn Cohen) na pinaniniwalaang sinaniban ng “extraterrestrial force”. Inatake rin ng matinding kalungkutan ang kanyang nakatatandang kapatid na si Becca (Christie Burke) at bunsong si Chloe (Farrah Mackenzie). At dahil dito, nagdesisyon ang kanilang amang si Jason (Michael Traynor) na patigilin muna sila sa pag-aaral at kumuha na lang ng tutor, si Gabby (Benedita Pereira).

At habang nilalabanan ang depresyon at ang pangungulila sa kanyang ina, bigla na lang sinaniban ng kung anong elemento si Becca mula sa kalawakan na pinaniniwalaang siya ring sumanib sa katawan ng ina.

Dito na nagsimulang mag-iba ang mga kilos at galaw ni Becca hanggang sa turuan na niya ang bunsong kapatid na si Chloe ng kung anu-anong dasal na sila lang ang nakakaintindi. Nang makatunog na si Angela sa pinaggagagawa ni Becca, nagsimula na siyang mag-imbestiga para alamin kung bakit tila nababaliw na ang kanyang ate.

Sa tulong ng kanyang boyfriend na si Ethan (August Roads) malalaman nila na plano palang ialay ni Becca ang kapatid para anakan at lahian ng mga “alien”. Kung anu-ano pa ang mga nakaka-shock na pangyayari, ay hindi na namin ikukuwento para walang spoiler alert.

Basta abangan n’yo kung maililigtas ba ni Angela si Chloe mula sa kamay ng mga alien o pati siya ay mamamatay din sa ending?

Basta kung mahilig kayo sa sunud-sunod na patayan with matching hulaan kung ano ang tunay na dahilan ng mga nagaganap na kababalaghan, tiyak na ma-eenjoy n’yo ang “Ascension.”

Samantala, sinabi ni Arsy Grindulo (na naging matagumpay na businessman sa Amerika dahil na rin sa itinatag niyang life insurance wholesale company na Wealth Financial Life Services) na kapag kumita ang first movie nila, nais niyang makapag-produce pa ng Hollywood romcom movies na pagbibidahan ng mga Filipino actors.

Pero bago pa ipalabas ang “Ascension” sa bansa hopefully this year, may follow-up movie na agad ang production ni Arsy, ang “Mermaid for Christmas”.

“This is a family movie filled with warmth, humor, whimsy and just a touch of magic that combines classic Christmas themes with an escapist fantasy element that only a mermaid can provide.

Nagsimula na ang shooting nito last July and ready for screening this October,” pahayag pa ng Fil-Am producer.

Read more...