Pang-aapi sa nakamotor

HINDI nilikha ang batas para sa atin. Hindi tayo nilikha para sa batas. Dapat may katarungan ang batas para sa kapakanan ng tao, hindi para sa iilan na makikinabang nito. Iyan ang Pagsasaayos sa Ebanghelyo (1 Sam 16:1-13; Sal 89:20, 21-22, 27-28; Mk 2:23-28) sa paggunita kay Santa Agnes, Martes sa ikalawang linggo ng karaniwang panahon. Sa Pagsasaayos, binibigyan ng pag-asa ang lahat tungo sa maaliwalas na buhay.
***
Patuloy ang pang-aapi ng mga opisyal ng gobyerno’t mga politiko sa mga nakamotor. Nanindigan pa sila na ipahinto na ang paghahanapbuhay ng MC taxis; at wala silang pakialam kung di umabot sa trabaho ang may 100,000 obrero araw-araw, lalo na yung nasa Makati, Pasig, Maynila, Quezon City at South Caloocan. Matindi ang lobby ng malalaking negosyante para ipahinto ang MC taxi, gamit ang lumang batas na di na angkop sa lumalakas na ekonomiya ng Mega Manila. Hindi muna pumopronte sa isyu si Duterte pero ang masidhing pagkilos ni Sen. Bong Go ay patunay na ang administrasyon ay para sa kapakanan ng nakararami at hindi sa mga switik at mapanlinlang.
***
Nakopo na ng aninong sindikato ang mga network, kumaintarista (komentaristang walang kabusugan sa libre at mamahaling pagkain) at bloggers kaya ang kanilang mapanlinlang na opinyon ay kontra riders. Lahat ng kagaspangan sa pagmamaneho ay ipinukol na sa riders, pero wala namang tinukoy ng mga pangalan o kaso. Basta’t makapanira’t makapanlait ay natumbasan na ang materyal na itinapal sa kanilang kaluluwa (wala ngang kaluluwa). Kunwari’y nagpapayo na nakamamatay ang pagmomotor. Di ba’t sinabi sa Ebanghelyo ni San Marcos noong Enero 8 na walang dahilan para matakot ang palaging na kay Kristo? God never abandons a soul. Talaarawan 1315 ni Santa Faustina.
***
Ang pamamagitan ni Go sa sigalot, na ikagugutom ng riders kung natuloy ang panlilinlang, ay patunay ng pagbibigay ng pag-asa para sa maaliwalas na buhay ng nakararami (Pagsasaayos) at hindi ang konti pero maperang impluwensiya ng manlilinlang. Nanindigan si Go na di dapat ipatigil ng DOTr TWG ang pamamasada ng MC taxi (pilot testing) at naniwala ito (TWG) dahil nasa kusina mismo ni Duterte si Go. Tumutulong din sa riders at pasahero si Sen. Grace Poe. Balewala sa manlilinlang at politiko ang aral na sinapit ng anak ni Erap sa eleksyon. Dahil iginiit niya ang lapidang plaka sa harap ng motor, limang milyon boto ang nawala sa kanya. Olatchika.
***
Panlalansi ang sinasabi ng manlilinlang na “high risk of injury and death to riders and passengers” ang motorsiklo. Walang ganoong nangyayari sa MC taxis. Kung pagbabasehan ang news CCTVs, ang kamatayan ng riders at pasahero ay dahil sa matuling pagpapatakbo, bulagaan, semplangan sa kurbada at pagmamaneho nang lasing at naka-shabu. Ang unang rider na aking nakapanayam ay si Onofre D. Corpuz.
Naka-big bike siya at pumapasok sa kanyang tanggapan sa Arroceros, Maynila, sumasampa sa bangketa ng Quezon bridge, tumatalon sa gutter para maabot ang flag-raising ceremony sa DECS. Halos lumipad ang motor si OD pa-Tagaytay para lamang makaabot sa 12 noon conference sa DAP. Nazi helmet pa ang suot ng makisig.
***
Nalinlang at nalason na ang LTFRB ngayon. Maraming kontrobersiya at intriga sa ahensiyang ito dahil sa gabundok na pera, ayon sa progresibong mga tsuper ng jeepney. Halos suntukan na ang labanan ng mga opisyal dito kaya pinalaya ang tapat na si
Aileen Lizada, dating opisyal ng LTFRB. Tila pagod na ang ale sa suntukan at intriga kaya ang ipinayo na lang niya sa TWG ay “rethink (its) decision for the sake of the riding public.” O hangaring masama! Saan ka nanggaling upang palaganapin sa lupa ang panlilinlang? Sirac 37:3
***
Gagamit ng pag-aaral ng Biblia si PNP chief Archie Francisco Gamboa para mapagbago ang tiwaling mga pulis. Sinu-sinong tiwali ang pagbabaguhin mo? Sa PCP? Sa Extension Office? Sa station? Sa City Hall detachment? Sa District? Sa Region? O mismong sa Crame, na mas kabisado mo dahil sa tanggapang kaalaman mo sa comptroller, budget division, bids and awards, secretariat, logistics, directorial staff, atbp? Atty, naghihintay ang bayan at matitinong parak. Mataas ang turan ko sa iyo. Ako’y umaasa na paiiralin mo, lalo na sa North Caloocan, ang Oplan RODY at Oplan RoaDRIVE. Kaya mo ‘to.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion, Baliwag, Bulacan): Kapag may maintenance medicines at nananalagin na ng banal na haplos, wala nang sigla ang pagtatalo sa mga isyu at politika. Wala nang bakbakan at balagtasan. Kung nakararanas man ng kawalan ng kalinga at lingap ng gobyerno, puwedeng ihanay na lang sa “di bale na lang, matanda na kasi” o kundi’y nasa “last trip” na, huwag nang pansinin yan. Sa nalalabing mga araw, paano nga naman hihintayin ang pangako ng politiko? Sa umpukan, tila bigkis ang pananaw ng nagbibilang ng araw.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Tiaong, Baliwag, Bulacan): Bakit hanggang ngayon ay malakas pa rin ang tukso ng sex? Wala namang bago sa sex at wala ring orig dito. Bakit ito ang pinagkakaabalahan gayung hindi naman yayaman ang mahilig dito? Bagkus problema pa nga raw: sa pera’t asunto. Sa pera, wala nang pantustos, baun pa sa utang. Sa asuntong rape, pera pa rin sa areglo, o kalabosong pangmatagalan. Madaling magpakasarap; sakripisyo ang magpakatino.
***
PANALANGIN: Sa ngalan Mo, iginagapos ko ang puwersa ng kasamaan na kumikilos laban sa amin. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinaaguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Fake ang MC ban sa Metro Manila. May nais lang magkapera riyan. …2875, Estoy, Labangal,GenSan.

Read more...