Resto nina Jolina sa Tagaytay binalot din ng abo; P25K ang singil para malinis ang bubong

JOLINA MAGDANGAL

 

HANGGANG ngayon ay sarado pa rin ang mga business establishments sa Tagaytay City dahil na rin sa malawak na pinsalang hatid ng pagputok ng bulkang Taal sa Batangas.

Bukod sa restaurant na pag-aari ng pamilya ni Alden Richards sa Tagaytay, isa pa sa mga matinding naapektuhan ng ashfall doon ay ang Memory Lane resto nina Jolina Magdangal na pinamamahalaan ng kanyang mga magulang na sina Jun at Paulette Magdangal.

Sa episode ng Magandang Buhay kanina, ikinuwento ni Daddy Jun ang naging experience nila nang biglang sumabog ang Taal volcano. Tigil-operasyon pa rin ang kanilang Memory Lane resto sa Tagaytay dahil nababalot pa rin ito ng abo at buhangin.

Ayon pa kay Daddy Jun, hindi pa rin nila napapalinis ang kabuuan ng kanilang restaurant. Aniya, sinisingil din sila ng P25,000 para matanggal ang ashfall sa bubong ng Memory Lane.

Pahayag ng tatay ni Jolens, “Everything is uncertain. Ang masakit niyan kasi, siyempre, yung retirement money namin ni Misis, nandiyan sa Memory Lane. Tapos yung bahay namin doon, yung family earnings, nandoon na rin. Yun ang isang mahirap.”

Dagdag pa nito, “Pero sasabihin mo, suwerte pa rin kami kasi walang harm considering na yung buhay namin at buhay nu’ng mismong natabunan yung bahay sa Batangas, e, talagang nothing compared (sa ibang nasalanta ng pagsabog ng Taal volcano).

“But the thing is, kumbaga, lahat kami ngayon, Cavite, Batangas, Tagaytay, talagang worried kami what will happen to the future,” sey pa ni Daddy Jun kaya naman idi-delay muna nila ang paglilinis sa Memory Lane.

Bumilib din si Daddy Jun sa mga Pinoy noong kasagsagan ng kalamidad dahil doon niya muling nakita ang bayanihan ng mga Filipino dahil kanya-kanya na silang tulong sa mga nangangailangan.

May payo naman ang tatay ni Jolina sa lahat ng mga naapektuhan ng kalamidad lalo na ‘yung mga nasa evacuation centers – dapat daw talagang sundin ang mga guidelines at kautusan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) habang nasa Alert Level 4 pa rin ang bulkan. Mas mahalaga pa rin daw ang buhay kesa sa materyal na bagay.

 

“We have to listen to Phivolcs kasi sila lang ang authority who can tell you what to do, what will happen, what might happen,” lahad niya.

Nito kasing mga nagdaang araw, may ilang mga taga-Batangas ang nagpupumilit na bumalik sa kani-kanilang mga bahay sa kabila ng ipinatutupad na lockdown doon ng Batangas Disaster Risk Reduction and Management dahil delikado pa rin ang manatili sa mga lugar na malapit sa bulkan.

 

Samantala, alalang-alala naman daw si Jolina sa kanyang magulang na nasa Tagaytay noong sumabog ang bulkan lalo na nu’ng hindi na niya makontak ang mga ito dahil nawala na nga ang kuryente at signal ng telepono. 

Pero buti na lang daw nu’ng muli niyang kontakin ang kanyang tatay ay nakalusot ang tawag niya kaya nagkausap sila at nag desisyong bumama muna sila ng Maynila habang hindi pa humuhupa ang ashfall sa Tagaytay at mga kalapit lugar nito. 

Read more...