DUMAMI ang mga Pilipino na nagsabi na sila ay mahirap, batay sa survey ng Social Weather Stations.
Sa survey na isinagawa noong Disyembre 13-16, 54 porsyento o 13.1 milyong pamilya ang nagsabi na sila ay mahirap mas mataas ng 12 porsyento o 10.3 milyong pamilya na naitala sa survey noong Setyembre.
Ang naitala noong Disyembre ang pinakamataas na naitala simula ng manungkulan si Pangulong Duterte noong Hulyo 2016.
Sa 54 porsyento na nagsabi na sila ay mahirap, 39.5 porsyento ang palaging mahirap, 7.3 porsyento ang madalas na mahirap at 6.6 porsyento ang mga bagong mahirap.
Upang masabi na hindi na mahirap, ang ginagastos ng isang pamilya, ayon sa mga respondents, ay dapat gumastos ng P12,000 kada buwan sa mga pangangailangan sa bahay. Ang average na kulang upang maabot ang P12,000 ay P5,000 kada buwan.
Ang isang pamilya ay dapat din umanong gumastos ng hindi bababa sa P5,000 para sa pagkain kada buwan, upang masabi na hindi na sila mahirap. Sa ngayon ang average na kulang umano sa kanilang panggastos sa pagkain ay P3,000.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Isinagawa ang survey mula Disyembre 13-16. Mayroon itong error of margin na plus/minus 3 porsyento