Willie patuloy pa ring binabantayan ng yumaong ama: Ramdam ko siya

WILLIE REVILLAME

Sa darating na January 27, ay live na mapapanood ang Wowowin sa mismong araw ng selebrasyon ng kaarawan ng nag-iisang kuya ng ating mga kababayan na si Willie Revillame.

Palaging nagiging emosyonal ang aktor-TV host tuwing dumarating ang kanyang kaarawan, marami siyang naaalala, napakarami niyang ipinagpapasalamat sa Panginoon.

Isa sa mga taun-taon niyang ginagawa ay ang pagdalaw sa puntod ng kanyang ama sa Cabanatuan City.

Maaari na niyang ilipat sa pribadong sementeryo ang mga labi ng engineer niyang ama pero hindi niya ‘yun gagawin dahil mahihiwalay raw ang kanyang tatay sa mga kaibigang du’n din nakahimlay sa pampublikong libingan.

Kapag pumipirma siya ng kontrata ay dumadalaw rin siya sa puntod ng kanyang ama, nagpapasalamat siya, dahil hanggang ngayon ay ramdam na ramdam niya ang pagsuporta-pagbabantay sa kanya ng yumao niyang ama.

Sa kanyang kaarawan sa darating na Lunes ay siya ang magreregalo sa mga kababayan nating sinalanta ng pagputok ng bulkang Taal.

Malapit sa kanyang kalooban ang Batangas at Cavite dahil meron siyang mga nabiling ari-arian sa naturang mga probinsiya.

Ihahandog niya ang Wowowin sa mga todong naapektuhan ng Taal, ang mga natabunan ng buhangin at abo ang mga bahay, ang mga namatayan ng mga alagang hayop dahil sa kanilang pagpupulasan palabas ng danger zone nang pumutok ang bulkan.

“Hindi ako makakapag-celebrate kapag ganitong alam ko na maraming kababayan natin ang naghihirap dahil sa inabot nilang kalamidad.

“Mararamdaman ko lang ang saya kapag nakatulong ako sa kanila, kaya para sa kanila ang Wowowin sa mismong araw ng birthday ko,” sabi ni Willie Revillame.

Sa darating na February 15 naman ay magsisimula na ang Wowowin tuwing Sabado, anim na araw na siyang makakasama linggo-linggo ng kanyang mga tagasuporta, kaya dagdag-sorpresa na naman ‘yun sa mga kababayan nating nakaabang sa mga regalong ipinamamahagi niya.

Read more...