Panukalang Department of Disaster Resilience umusad na

UMUSAD na kahapon sa Kamara de Representantes ang panukalang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience na tututok sa mga paghahanda sa mga kalamidad at rehabilitasyon ng mga mapipinsalang lugar.

Sa sesyon sa Batangas City ginawa ang sponsorship speech ng panukala kung saan din pinakinggan ang mga evacuees at opisyal ng iba’t ibang bayan na naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukala ay nabuo sa tulong ng mga kongresista na may karanasan sa pagputok ng Taal, nakaranas ng pananalasa ng bagyong Yolanda, pagputok ng bulkang Pinatubo at malalakas na lindol.

“Malakas na tayo sa relief at response mahina pa talaga sa rehab and so far sa ating mga napakinggan yun ang kanilang inaalala, na kapag nag-fade na o kapag meron ng ibang kalamidad baka makalimutan yung walang bahay, nawalan ng hanapbuhay yung mga bata na natigil ang pag-aaral but let me assure you…. Alam nyo naman po na if institutional yung change that will guarantee na kahit wala na tayong lahat eh tuloy-tuloy ito,” ani Cayetano.

Sinabi naman ni House Majority Leader Martin Romualdez, isa sa may-akda ng panukala, na kailangan ang departamento na tututok sa paghahanda at rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar.

“Guaranteeing disaster resiliency through closer coordination and stronger management synchronization at all levels of the country’s disaster risk reduction and management system cannot be delayed any further,” ani Romualdez.

Ayon kay House Deputy Speaker Raneo Abu, presiding officer ng sesyon, bukod sa DDR ay nais ni Cayetano na maipasa ang panukala para sa pagtatayo ng mga permanent evacuation centers.

Bago ang sesyon ay nagpulong ang House committee on appropriations at inaprubahan ang budget component ng panukala.

“The eruption of Taal volcano requires us to act on this measure now,” ani Davao City Rep. Isidro Ungab, chairman ng komite.

Read more...