BANDERA Editorial
SA wakas ay marami na ang nagigising sa labis na pagdududa na hindi na nga totoo ang resulta ng mga survey at bukod dito ay mismong tayong taumbayan ang niloloko na lang ng mapepera na puwedeng magbayad ng survey.
Ang pagdududang ito ay ilang beses nang isinulat ng Bandera sa ilang editorial at blogs (https://banderablogs.wordpress.com). Sa blogs, may mga naantig at tinamaan, kaya’t sumagot sila’y nagbigay ng reaksyon.
Ayon kay Sen. Francisco Tatad, ang mga survey ay mali-mali at hindi puwedeng pagkatiwalaan at, higit sa lahat, paniwalaan.
Ang mga pinuna ni Tatad:
* Ang pamamaraan at sistema ng survey ay matagal nang ibinasura ng mayayamang bansa, tulad ng Amerika.
* Kaduda-duda ang methodologies ng survey firms, tulad ng Social Weather Stations at Pulse Asia, at ang pamamaraan ay mali-mali dahil dinedma ng mga ito ang “ethical and professional standards considered sacred elsewhere.”
* Pinagsisilbihan ng resulta ng mga survey ang “special political and commercial interests” ng mga politiko o nagpapa-survey.
Sinisi rin ni Tatad ang media na nagpapagamit sa survey firms at ipinangangalandakan pa ang resulta, na siyempre, ay may pinaboran.
Kung mali-mali ang surveys, hindi sila gumagawa ng tamang survey. Kung di sila gumagawa ng tamang survey, niloloko lang nila ang taumbayan. Kung niloloko lang nila ang taumbayan, dinadaya nila ang taumbayan para maniwala sa kanilang resulta na puro kasinungalingan.
Kung niloloko at dinadaya ng mga survey firms ang taumbayan, sino ang unang mambabatas na magigising sa masakit na katotohanan at magsasampa ng panukalang batas para parusahan ang mga nanloloko at mandarayang survey firms?
Sino ang unang mambabatas na maglalabas ng press release sa media at magsasabing gagawin niyang krimen ang mapanloko at mandarayang mga survey?
Sinong mambabatas ang aamin na binayaran niya ang survey firm kaya maganda ang resulta ng survey sa kanya?
Sayang at di na mambabatas si Luis “Chavit” Singson. Ang politiko na tinawag na “False Asia” ang isang kompanya ng survey.
BANDERA, 021710