Darleng, tapos na ang Valentine’s

Lito Bautista, Executive Editor

BATU-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit.  Hinaing lang ito ng retirado at matandang brodkaster, na minsa’y nakilala rin kahit paano, na hindi puwedeng banggitin ang pangalan.  Heto na:
Tapos na ang Valentine’s, Darleng.  Nakaraos na rin ako sa gastos.  Magastos ka pa rin.  Bakit ganoon ang tadhana?  Habang dumadami ang ating Valentine’s pumapangit ka yata?  Nag-iiba na ang mukha mo.  Baka dulot yan ng mga pampaganda mo na binili sa Divisoria.
Bakit ganoon?  Magkamukha na kayo ng nanay mo.  Hindi ka na rin seksi, tulad noong niligawan kita sa Friday Night ng National Press Club.  Huwag mo na akong sisihin.  Patay-sindi ang ilaw sa press club noon.  Marahil, lasing na rin ako noon.  Tulad mo.
Yumayaman na tayo sa naiipong Valentine’s Day.  Kung maipapalit lang load sa tindahan ang dami ng ating Valentine’s Day, puwede tayong mag-text ng isang taon!
Hindi ka na rin malambing sa akin.  Ako na lang ang malambing.  Kasi nga, ang sabi ng pari hindi kita puwedeng iluwa.  Mainit na kanin ka kasi noon.
Pero, huwag kang mag-alala, Darleng.  Mahal pa rin kita.  Kahit na ngayon pa lang ay kinakabahan na naman ako sa susunod na Valentine’s Day.

BANDERA, 021710

Read more...