‘Babatukan ko ‘yan’.
Ito ang resbak ni Calabarzon regional police director Brig. Gen. Vicente Danao kay Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan matapos namang ang kanyang panawagan sa mga residente na bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan sa kabila naman ng babala na posible pang sumabog ang Bulkang Taal.
“Sa mga kababayan natin na matigas ang ulo, sana hindi kayo ang maging biktma ng inyong katigasan ng ulo… Huwag na sana maging katulad ng isang vice mayor diyan na nang-uudyok pa. Ang sarap batukan eh, hindi po kayo nakakatulong,” sabi ni Danao sa panayam ng Bandera.
“These people are sacrificing other people. Imbes na tulungan tayo na ipaliwanag na ang Talisay eh delikado, nang-uudyok pa. Talagang babatukan ko ‘yan, gusto nyo bang mamatayan ng tao? Tapos pag may nadisgrasya, kanino ang sisi, sa amin din?”
Binigyan diin ni Danao ang hirap na dinadaranas ng mga pulis at sundalo para ipatupad ang forced evacuation sa loob ng 14-kilometer danger zone ng Bulkang Taal.
“Pagod na rin po talaga sila (pulis at sundalo), kasi mahigit isang linggo na. Lalo na po ito sa areas na walang ilaw, walang tubig, at walang pagkain na kahit P1 milyon ang dala mong pera, di mo mapapakinabangan dahil wala namang bukas na tindahan.”
Idinagdag ni Danao na nang bumisita siya sa danger zone, nakita niya ang ilang pulis na napipilitang umidlip sa nahulog na ashfall, habang ang ilan ay hindi pa naliligo.
“Ako po ay naaawa na sa kanila, kasi marami sa kanila ay nasa evacuation center ang mga pamilya at sila ay nandodoon sa abuhan. ‘Yung iba nga po ay di na mukhang pulis dahil marurumi na.”