Patuloy pa rin sa paghihintay si Luisito Espinosa

HINDI masisisi si two-time world boxing champion Luisito Espinosa kung pakiramdam niya ay nanalo siya ng Lotto nang malaman niya na ipinag-utos ng Korte Suprema sa pamilya ng yumaong promoter na si Rod Nazario na bayaran siya ng $130,349 (P6.5 milyon) bilang kabayaran sa kanyang pagdepensa ng World Boxing Council (WBC) featherweight title laban kay Carlos Rios ng Argentina noong 1997.

‘‘Puwede na akong mag-sugal,’’ pabirong sabi ni Espinosa sa isang exclusive phone interview Lunes ng hapon. ‘‘Balak kong pumunta ng casino.’’

Hindi maitatago ang saya na nararamdaman ngayon ng 52-taong-gulang na si Espinosa na mahigit dalawang dekadang naghintay para makamtan ang hustisya.

Pero mukhang patuloy pa siyang maghihintay, sa ngayon, dahil hindi pa niya matiyak kung kalian niya matatanggap ang $130,349 plus six percent interest per annum.

Nagdesisyon ang Korte Suprema sa kaso ni Espinosa noong Nobyembre 13, 2019 pa pero nitong Sabado lamang ito ibinunyag sa publiko.

‘‘Nais kong magpasalamat sa Supreme Court, sa GAB sa pamumuno ni Chairman Baham Mitra at sa lahat ng nagdasal at tumulong sa aking kaso,” sabi ng Tondo Boy na si Espinosa na ngayon ay naninirahan na sa General Trias, Cavite. “Iba ang mabasa ang magandang balita sa dyaryo at iba pa rin sa talagang nahahawakan mo na ang pera.”

Kasalukuyang nagta-trabaho si Espinosa bilang isang gym instructor sa Dalian City, China at nagbabakasyon lamang sa Pilipinas ng isang buwan.

Laking gulat din niya noong Huwebes nang iabot sa kanya ni Chairman Mitra ang P60,000 bilang tulong pinansyal para sa mga dating Filipino world boxing champion ng Thai boxing promoter at pilantropo na si Naris Singwancha.

Nakatakdang bumalik ng Dalian City si Espinosa sa Pebrero 1.

Aniya, kung mapapasakamay na niya ang pera ay balak niyang magtayo ng sarili niyang gym dito sa Pilipinas para makatulong sa mga Pinoy boxers at maibahagi sa mga ito ang kanyang nalalaman at karanasan bilang isang two-time world boxing champion.

Read more...