SA gitna ng pagaalburoto ng bulkang Taal, niyanig ng magnitude 4.6 lindol ang Mabini, Batangas kagabi (Linggo).
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, tectonic ang origin ng lindol at hindi dulot ng bulkan.
Naramdaman ang lindol alas-8:59 ng gabi. Ang epicenter nito ay apat na kilometro sa kanluran ng Mabini. May lalim itong pitong kilometro.
Nagdulot ito ng Intensity V paggalaw sa Mabini at Bauan, Batangas.
Intensity IV naman sa Batangas City; at Santo Tomas, Batangas
Intensity III sa Malvar, Cuenca, Tanauan, San Pascual and Calatagan, Batangas; Puerto Galera, Oriental Mindoro at San Pablo, Laguna.
Intensity II sa Alfonso, Cavite; at San Teodoro, Oriental Mindoro.
Intensity I naman sa Tagaytay City.
Samantala, mula ala-1 ng hapon noong Enero 12, ang araw na pumutok ang Taal, hanggang alas-6 ng umaga noong Lunes ay 714 volcanic earthquake na ang naitala ng Philippine Seismic Network. Hindi dito kasama ang mga mahihinang lindol na kayang ma-detect ng PSN.
Nananatili ang Alert Level 4 sa Taal Volcano.