Dep’t of Emergency, special laws versus calamities kailangan na

LIBO-libong Pilipino ang namamatay sa maraming trahedya tulad ng bagyo, baha, lindol, pagsabog ng bulkan, landslides at malalaking sunog, pero kulang pa rin ang responde ng kasalukuyan at nakaraang mga gobyerno.
Sa ngayon, ang may hawak sa mga disaster ay si Defense Secretary Delfin Lorenzana, bilang pinuno rin ng Office of Civil Defense. Itinayo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong 2010 kapalit pero kapareho lang ng dating National Disaster Coordinating Council (NDCC) . Ito’y “working group” lamang ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor na kikilos kapag merong disaster sa bansa.
Merong mga panukalang Department of Disaster Resilience na Cabinet Secretary ang ranggo at ang mga tauhan ay hindi “adhoc” o temporary lamang. Meron ding nagsasabi na gawing department ang NDRRMC upang magkaroon ng makatotohanang responde at rehabilitasyon.
Sa America, kapag disaster ang pinag-usapan, merong Federal Emergency Management Agency (FEMA) na tumutulong sa mga tao bago maganap, habang nangyayari at matapos ang trahedya.
Meron silang “statutory authority“ sa lahat ng disaster response activities, pati koordinasyon ng lahat ng relief efforts ng buong gobyerno. Nasa ilalim sila ng Department of Homeland Security pero ang trabaho sa disaster response ay solo nila.
Sa Japan, merong Cabinet minister for Disaster Management na namamahala sa Disaster Management Bureau na nagbubuo ng patakaran, mga plano, at may kapangyarihan sa koordinasyon sa panahon ng mga large scale disasters.
Merong limang level of actions mula sa 1. Normal (magbantay), 2. Alert (Ingat sa paparating na trahedya), 3. Warning (babala sa magiging pinsala), 4. Prepare for Emergency ( matinding pinsala), 5. Emergency (malawak na pinsala). Ito ang ginagamit ng Japan sa mga lindol, tsunami, bagyo at palagian nilang trahedya.
Doon din sa Japan, meron silang 110 aktibong bulkan na ilang ulit sumasabog bawat taon.
Kaya naman, nagkaroon sila ng batas na kung tawagin ay Active Volcanoes Special measures Act na nagbuo ng countermeasures ang gobyerno sa pagsabog ng mga bulkan, upang malaman ng mga residente ang pinakabagong volcanic activity, magtakda ng mga emergency evacuation routes at magpatupad ng sistematikong paglilikas sa mga tao.
Ngayong nag-aalburuto ang Bulkang Taal, marahil napapanahong magsabatas tayo ng disaster management, pagpapatupad ng permanent danger zones, relocation, para sa walong aktibo nating mga bulkan, kabilang ang Mayon sa Albay, Pinatubo sa Zambales, Bulusan sa Sorsogon, Hibok-Hibok sa Camiguin, Kanlaon sa Negros,Musuan sa Bukidnon at Smith sa Calayan islands.
Iba po kasi ang mga bulkan, tumatagal nang lampas isang linggo o buwan ang pagbabantay. Iba rin ang pinsala ng lahar, pyroclastic flows, base surge, fissures o bitak sa mga kalye at bahay, ashfalls at marami pang iba. Kailangang magkaroon ng Active Volcanoes law sa bansa para mas klarong responde sa mga pagsabog ng ating mga bulkan.
Dapat tapusin na ang pagiging working group o coordinating agency ng NDRRMC at magtayo ng Department of Emergency na may full powers tulad ng FEMA na mamamahala sa mga first responders at mamamayan habang papalapit ang disaster, sa pananalasa nito at hanggang sa rehabilitasyon.
Kailangan nila ng full emergency powers na gamitin ang AFP, PNP at LGUs para manatili ang civil order sa panahon ng disasters tulad ng Yolanda aftermath sa Tacloban.
Huwag nang mag-aksaya ng panahon sa turuan at mabagal na burukrasya!•

Read more...