IPINAGTANGGOL ng Palasyo ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa harap ng panawagan ng mambabatas na imbestigahan ng Kamara kung nagkaroon ito ng pagkukulang sa pagsabog ng Bulkang Taal.
Sa briefing, nanindigan si presidential spokesperson Salvador Panelo na nasisiyahan ang Malacanang sa trabaho ng Phivolcs.
“Magaling nga itong si (Phivolcs) Director (Renato) Solidum. Mahusay magpaliwanag. Alam ninyo, iba iyong—kasi ang iba nagko-compare, ‘Bakit iyong typhoon nape-predict natin?’ Actually, hindi naman natin napi-predict ang typhoon, nakikita natin brewing. On the basis of that, nakukuha nila kung saan papunta, gaano kabilis, kalakas. Pero iyong pagputok o iyong pag-earthquake, hindi mo mapi-predict iyon,” sabi ni Panelo.
Kamakalawa ay nanawagan si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na imbestigahan ng Kamara kung sapat ang naging pagbibigay ng babala ng Phivolcs sa mga apektado ng pagputok ng Bulkang Taal.
“Nasa kanila iyon. We cannot stop them or discourage them – that is their call,” giit naman ni Panelo sa nakatakdang imbestigasyon ng Kamara.