MAS lumabo umano na makapag-renew ng prangkisa ang ABS-CBN 2 sa plano ng Office of the Solicitor General na pumunta sa Korte Suprema upang mabasura ang prangkisa ng television network na mapapaso sa Marso.
Ayon kay House committee on public accounts chairman Mike Defensor ang gagawin ni Solicitor General Jose Calida ay malinaw na senyales na tutol ang executive branch na ma-renew ang prangkisa.
“The legal action taken by the executive, the OSG representing the Republic, is a step beyond the utterances of Malacanang. In the hearings to be conducted by the Legislative Franchise Committee, you now have the officers of the ABS CBN network squared off with the officials of the Office of the Solicitor General,” ani Defensor.
Kung sakaling aprubahan man umano ng Senado at Kamara de Representantes ang renewal ng prangkisa ay maaari itong i-veto ni Pangulong Duterte na nauna ng nagpahayag ng pagtutol dito.
“However, assuming that Congress, Senate and House, still approves the renewal, the President may veto the bill which renders it futile,” ani Defensor.
Maaari lamang mabalewala ang veto kung boboto ang two-third ng Senado at Kamara laban dito.
Sinabi ni Duterte na ibenta na lamang ng mga Lopez ang ABS-CBN. Isa sa reklamo ni Duterte ang hindi umano paglalabas ng tv station ng kanyang ads noong 2016 presidential elections kahit bayad na ito.