P160M shabu nasabat sa Luzon

HALOS P160 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa magkakahiwalay na operasyon ng mga 0toridad sa Sorsogon, Cavite, at Las Piñas City, Miyerkules ng gabi at Huwebes ng umaga.

Sa pinakahuling operasyon, aabot sa P136 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat operasyon sa Matnog Port ng Sorsogon.

Dalawang tao, na nakilala bilang sina Irish Dela Peña at Jose Lani Rocaza, kapwa ng Muntinlupa City, ang naaresto kaugnay ng operasyon, sabi ni Maj. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Tinangka umanong ipuslit ng dalawa ang droga, na pawang mga nakasilid sa maleta at nakabalot ng foil at pakete ng Chinese tea.

Isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bicol, pulisya, Army, at Coast Guard ang operasyon sa pantalan dakong alas-10 ng umaga.

Tinatayang 20 kilo ng umano’y shabu ang nakumpiska sa mga suspek, ani Calubaquib.

Una dito, pasado alas-10 ng gabi, mahigit 1 kilo o P6.834 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska naman sa buy-bust operation sa Rosario, Cavite.

Nadakip ang 39-anyos na si Paula Noah Sanson, isang dating detainee sa provincial jail, at Dolores Santos, 44, nang ibenta ang droga sa isang poseur-buyer sa Brgy. Tejeros, ayon sa Cavite provincial police.

Dakong alas-6:50 ng gabi ring iyon, aabot sa 2.5 kilo o P17 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isa ring buy-bust sa Las Piñas City.

Inaresto sina Jerrymias Suson at Miguel Castillo nang ibenta ang droga sa mga tauhan ng city police sa Verdant Acres Subdivision, Brgy. Pamplona Tres, ayon sa ulat ng Southern Police District.

Pawang mga naka-bloke at nakabalot naman sa foil na candy wrapper ang umano’y droga, ayon sa pulisya.

Read more...