ISANG magandang araw sa inyong lahat!
Marahil ay nagtataka kayo kung sino itong biglang sumulpot sa isa sa mga pahina ng paborito ninyong Bandera.
Ako po ay nagagalak sa pagkakataong ibinigay sa atin ng patnugutan ng Bandera, para naman makapagbigay sa inyo ng tulong-legal.
Bago pa ang lahat, ako muna ay magpapakilala sa inyo.
Ako po ay si Rudolf Philip Jurado, isang pribadong trial lawyer, may 30 taon nang abogado at samu’t saring kaso na ang nahawakan. Nagtapos po ako sa University of the East College of Law noong 1990, at agad din naging aktibong legal practitioner matapos makapasa noong 1990 bar examinations.
Nagturo rin ako sa aking alma mater at iba pang mga law schools gaya ng Manuel L. Quezon School of Law, at Lyceum of the Philippines College of Law. Co-author din ng ibat-ibang law books gaya ng Obligations and Contracts, Wills and Succession, at Civil Law Reviewer na kasalukuyang ginagamit sa mga law schools sa buong Pilipinas.
Nagsilbi rin ako sa gobyerno bilang Government Corporate Counsel o GCC, ang hepe ng Office of the Government Corporate Counsel –Department of Justice, noong April 2017 hanggang May 2018.
Pero hindi nagtagal ay bumalik ako sa pagiging pribadong legal practitioner. Bitbit ang aking karanasan, nais ko sanang makatulong sa inyo sa pamamagitan ng pagsagot sa inyong mga tanong tungkol sa batas o prosesong legal.
Kaya nga mga kaibigan, bukas ang pitak na ito, na mababasa ninyo tuwing Huwebes, para sa inyo na nangangailangan ng tulong-legal mapausapin o isyu man iyan sa pagitan ninyong mag-asawa, mag-anak, magkakapamilya, magkakabarangay o sa inyong mga employer o kapwa empleyado.
Kaya kung may tanong kayo, sasagutin natin lahat, para legal! Maari kayong mag-email ng inyong mga katanungan sa inquirerbandera2016@gmail.com o kaya ay i-PM kami sa Bandera Facebook page @InquirerBandera o mag-text sa 09989558253. Isalaysay ang inyong problema, tanong, at isulat ang inyong pangalan at kung taga saan kayo.