Nasaan si Vilma Santos habang sumasabog ang Bulkang Taal?

DELIKADO ang kanilang ginagawa pero sa ating puso ay madaling unawain kung bakit bumabalik-balik sa kanilang mga iniwanang tahanan ang mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal.

Madalas lumindol, balot na balot ng buhangin ang kanilang bahay at mga kabuhayan, pero ang mas namamayani sa kanilang kalooban ay ang kunin ang mga natitira pa nilang kagamitan.

Napakasakit panoorin ang sinabi ng isang matandang lalaki na sakay ng bangka pabalik sana sa kanilang tahanan sa islang katabing-katabi ng bulkan, ang kanyang sabi, “Napakatagal naming pinag-ipunan ang mga gamit naming nandu’n pa, ‘yun na lang ang meron kami, gusto kong balikan kesa naman sa lamunin lang ng abo!”

Pero hindi na sila pinayagan ng mga taga-Coast Guard, sobrang malalagay sa peligro ang kanilang buhay sa pagbalik sa kanilang lugar, lalo na’t patuloy pa rin naman ang pag-aalburoto ng bulkang Taal.

Sa mga nagtatanong-naghahanap kay Congresswoman Vilma Santos, hindi nagpapabaya ang aktres-pulitiko, tahimik siyang nagbibigay ng detalye sa kanyang mga tauhan.

Hindi siya maaaring umeksena agad sa ganitong pagkakataon bilang respeto sa gobernador at bise-gobernador ng lalawigan ng Batangas.

Pero bilang kinatawan ng kanyang distrito at bilang dating tagapamuno ng probinsiya ay nasa kanyang puso ang hangaring makatulong sa sarili niyang paraan.

Kumikilos siya, hindi nagpapabaya, naka-monitor siya sa mga nagaganap sa lalawigan.

Read more...