WALA ngang lihim na hindi lumalantad. Ang lihim daw ay parang bote ng bagoong. Takpan mo man nang sobrang higpit ay aamoy at aamoy pa rin sa takdang panahon.
Tulad na lang ng panandaliang pagbiyahe sa alapaap ng kaligayahan ng isang kilala at guwapong aktor at ng isang award-winning actress.
Nangyari ang kanilang pagduduop nu’ng mga panahong wala pa silang pananagutan sa buhay. Nagkasama sila sa isang show sa isang malayong probinsiya at du’n sila nagkapalagayan ng loob.
Kuwento ng aming source, “Hindi naman ‘yun nangyari nu’ng unang araw nila sa malayong probinsiya, sa ikalawang gabi naman. Mabilis ang mga pangyayari, walang ligawan, walang kahit ano, nagkaintindihan na lang sila sa pamamagitan ng tinginan.
“Nu’ng second night na nila, e, lumipat ang male personality sa hotel room ng girl, du’n siya natulog, alangan namang naglaro lang sila ng chess nu’ng magdamag na ‘yun!
“Natural, may naganap sa kanila, may nangyaring paglipad sa alapaap ng phycial happiness, di ba naman?
Tingnan n’yo nga naman, sa sasandaling panahon, e, may naganap agad na milagro sa kanila!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Ngayon ay may kani-kanyang pamilya na sila, may mga anak na ang male personality sa isang magaling magkontrabidang aktres, may asawa na rin ang award-winning actress.
Magkasama sila ngayon sa isang serye, kaya ang tanong ng mga miron, hindi kaya sila nagkakailangan kapag nagkikita sila sa taping?
Sagot agad ng aming source, “Napakatagal nang nangyari ‘yun, kaya siyempre, pareho na silang nakapag-move-on. Parang part na lang ‘yun ng past na kinalimutan na nila.
“E, ang guwapo-guwapo naman kasi nu’ng male personality, malayo pa lang, e, napakabango na niya, saka ang bait-bait ng lalaking ‘yun! Sino namang babae ang makatatanggi sa kanya?
“‘Yung girl naman, kahit pa may edad na siya, e, napakaganda pa rin! At natural ang beauty niya, ha? Walang mga salamat po, doktor!
“Sa serye kung saan sila magkasama, e, sila pala ang totoong magulang ng isang bumibidang girl na Dyowa ang name! Ha! Ha! Ha! Ha!” humahalakhak na pagtatapos ng aming impormante.
Ahahay, bigay na bigay na kung sinu-sino sila, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, ano ba?